Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Mga Taga-Filipos

Mga Taga-Filipos 1

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
1Mula kina Pablo at Timoteo, mga lingkod ni Cristo Jesus, sa lahat ng mga nailaan kay Cristo Jesus na nasa Filipos, kasama ang mga tagapangasiwa at mga diakono.
2Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
3Nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa bawat ala-ala ninyo.
4Sa bawat panalangin ko para sa inyong lahat, palagi akong nananalangin nang may kagalakan.
5Nagpapasalamat ako sa inyong pakikiisa sa ebanghelyo mula sa unang araw hanggang sa ngayon.
6Nagtitiwala ako sa bagay na ito, na ang nagsimula ng mabuting gawain sa inyo ay ipagpapatuloy na tapusin ito hanggang sa araw ni Jesu-Cristo.
7Tama para sa akin na maramdaman ang ganito tungkol sa inyong lahat dahil kayo ay nasa puso ko. Naging kasama ko kayong lahat sa biyaya pati sa aking pagkakakulong at sa aking pagtatanggol at pagpapatunay ng ebanghelyo.
8Sapagkat ang Diyos ang aking saksi, kung paano ko pinananabikan na makasama kayong lahat sa kalaliman ng pag-ibig ni Cristo Jesus.
9At ipinapanalangin ko ito: na ang inyong pag-ibig ay lalo pang sumagana sa kaalaman at sa lahat ng pang-unawa.
10Ipinapanalangin ko ito upang masubukan ninyo at mapili ang mga bagay na mahusay. Ipinapanalangin ko ito upang kayo ay maging tapat at walang sala sa araw ni Cristo.
11Ito rin ay upang mapuno kayo ng bunga ng katuwiran na dumarating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sa kaluwalhatian at kapurihan ng Diyos.
12Ngayon, nais kong malaman ninyo mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nagbunga ng mabilis na paglaganap ng ebanghelyo.
13Dahil ang aking pagkabilanggo dahil kay Cristo ay nalaman ng mga bantay sa buong palasyo at ng lahat.
14At nahimok ang halos lahat ng mga kapatid sa Panginoon dahil sa aking pagkabilanggo na maglakas-loob na ipahayag ang salita nang walang takot.
15Tunay na inihahayag ng iba si Cristo dahil sa inggit at alitan, at ang iba naman ay dahil sa mabuting kalooban.
16Ang mga naghahayag kay Cristo dahil sa pag-ibig ay nalalaman na inilagay ako dito upang ipagtanggol ang ebanghelyo.
17Ngunit ipinapahayag ng iba si Cristo dahil sa makasarili at hindi tapat na mga dahilan. Iniisip nilang mapapahirapan nila ako habang nasa kulungan.
18Ano naman? Sa alinmang paraan maging sa pagkukunwari o sa katotohanan, naihahayag si Cristo, at dahil dito nagagalak ako! Oo, ako ay magagalak.

19Sapagkat alam kong magdudulot ito sa akin ng paglaya. Mangyayari ito dahil sa inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo.
20Naaayon ito sa aking matibay na inaasahan at kasiguraduhan na hindi ako mapapahiya. Sa halip, inaasahan kong maitataas si Cristo sa aking katawan, sa buhay man o sa kamatayan nang may buong tapang, na lagi naman at maging sa ngayon.
21Sapagkat para sa akin, ang mabuhay ay kay Cristo at ang mamatay ay kapakinabangan.
22Ngunit kung ang mabuhay sa laman ay magdudulot ng bunga sa aking paghihirap, kung gayon hindi ko alam kung ano ang pipiliin.
23Sapagkat naguguluhan ako sa dalawang pagpipilian na ito. Gusto ko nang mamatay at makasama si Cristo, kung saan iyon ang pinakamabuti!
24Ngunit ang manatili sa laman ay mas kinakailangan para sa inyong kapakanan.
25Dahil nakatitiyak ako tungkol dito, alam kong mananatili ako at magpapatuloy na kasama ninyong lahat, para sa inyong paglago at kagalakan sa pananampalataya.
26Bilang resulta, ang pagluluwalhati ninyo kay Cristo Jesus dahil sa akin ay mananagana, dahil sa muli kong presensya sa inyo.
27Mamuhay lamang kayo na karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo. Gawin ninyo ito upang kahit darating ako para makita kayo o kung wala ako, marinig ko sana ang tungkol sa kung paano kayo tumatayong matibay sa iisang espiritu. Ninanais kong marinig na kayo ay nasa iisang kaluluwa na magkakasamang nagsisikap para sa pananampalataya ng ebanghelyo.
28At huwag kayong matakot sa anumang ginawa ng inyong mga kaaway. Para sa kanila, tanda ito ng kanilang pagkawasak. Ngunit para sa inyo, tanda ito ng inyong kaligtasan, at ito ay nagmula sa Diyos.
29Sapagkat ipinagkaloob na ito para sa inyo, alang-alang kay Cristo, hindi lamang para maniwala sa kaniya, ngunit para magdusa rin para sa kaniya.
30Sapagkat kayo ay may laban na gaya ng nakita ninyo sa akin, at naririnig ninyo na mayroon ako ngayon.