Text copied!
Bibles in Tagalog

Mga Hukom 1:19-34 in Tagalog

Help us?

Mga Hukom 1:19-34 in Ang Dating Biblia (1905)

19 At ang Panginoon ay sumasa Juda; at kaniyang pinalayas ang mga taga lupaing maburol; sapagka't hindi niya mapalayas ang mga nananahan sa libis, dahil sa sila'y may mga karong bakal.
20 At kanilang ibinigay ang Hebron kay Caleb, gaya ng sinalita ni Moises: at kaniyang pinalayas doon ang tatlong anak ni Anac.
21 At hindi pinalayas ng mga anak ni Benjamin ang mga Jebuseo na tumatahan sa Jerusalem: kundi ang mga Jebuseo ay nagsitahang kasama ng mga anak ni Benjamin sa Jerusalem hanggang sa araw na ito.
22 At ang sangbahayan ni Jose, sila'y umahon din laban sa Beth-el: at ang Panginoon ay sumakanila.
23 At ang sangbahayan ni Jose, ay nagsugo upang tiktikan ang Beth-el. (Ang pangalan nga ng bayan nang una ay Luz.)
24 At nakita ng mga bakay ang isang lalake na lumalabas sa bayan at kanilang sinabi sa kaniya, Ituro mo sa amin, isinasamo namin sa iyo ang pasukan sa bayan at kahahabagan ka namin.
25 At itinuro niya sa kanila ang pasukan sa bayan, at kanilang sinugatan ng talim ng tabak ang bayan nguni't pinayaon ang lalake at ang madlang sangbahayan niya.
26 At ang lalake ay pumasok sa lupain ng mga Hetheo, at nagtayo ng isang bayan, at tinawag ang pangalan niyaon na Luz: na siyang pangalan niyaon hanggang sa araw na ito.
27 At hindi pinalayas ng Manases ang mga taga Beth-sean at ang mga bayan niyaon, ni ang mga taga Taanach at ang mga bayan niyaon, ni ang mga taga Dor at ang mga bayan niyaon, ni ang mga taga Ibleam at ang mga bayan niyaon, ni ang mga taga Megiddo at ang mga bayan niyaon: kundi ang mga Cananeo ay nagsitahan sa lupaing yaon.
28 At nangyari, nang lumakas ang Israel, na kanilang pinapagatag ang mga Cananeo, at hindi nila lubos na pinalayas.
29 At hindi pinalayas ni Ephraim ang mga Cananeo na tumatahan sa Gezer; kundi ang mga Cananeo ay nagsitahan sa Gezer sa gitna nila.
30 Hindi pinalayas ni Zabulon ang mga nananahan sa Chitron, ni ang mga nananahan sa Naalol; kundi ang mga Cananeo ay nagsitahan sa gitna nila, at naging mga tagapagpaatag.
31 Hindi pinalayas ng Aser ang mga taga Acho, ni ang mga taga Sidon, ni ang taga Ahlab, ni ang taga Achzib, ni ang taga Helba, ni ang taga Aphec, ni ang taga Rehob:
32 Kundi ang mga Aserita ay nagsitahang kasama ng mga Cananeo, na mga taga lupaing yaon: sapagka't hindi nila pinalayas sila.
33 Hindi pinalayas ng Nephtali ang mga nananahan sa Beth-semes, ni ang mga nananahan sa Beth-anath; kundi siya'y tumahan sa gitna ng mga Cananeo, na nagsisitahan sa lupaing yaon: gayon ma'y ang mga nananahan sa Beth-semes at nananahan sa Beth-anath ay naging mga tagapagpaatag sa kaniya.
34 At piniit ng mga Amorrheo ang mga anak ni Dan sa mga lupaing maburol; sapagka't ayaw nilang payagang sila'y lumusong sa libis;
Mga Hukom 1 in Ang Dating Biblia (1905)

Mga Hukom 1:19-34 in Banal na Bibliya

19 Si Yahweh ay kasama ng mga tao ng Juda at inangkin nila ang bulubundukin, pero hindi nila napalayas ang mga naninirahan sa mga kapatagan dahil mayroon silang mga bakal na karwaheng pandigma.
20 Ibinigay kay Caleb ang Hebron (gaya ng sinabi ni Moises), at pinalayas niya roon ang tatlong anak na lalaki ni Anak.
21 Pero hindi pinalayas ang mga tao ng Benjamin ang mga Jebuseong naninirahan sa Jerusalem. Kaya nanirahan sa Jerusalem ang mga Jebuseo kasama ang mga tao ng Benjamin sa araw na ito.
22 Naghahanda ang sambahayan ni Jose para salakayin ang Betel, at kasama nila si Yahweh.
23 Nagpadala sila ng mga lalaki para magmanman sa Betel (ang lungsod na tinawag dating Luz).
24 Nakakita ang mga espiya ng isang taong lumabas sa lungsod, at sinabi nila sa kaniya, “Pakiusap, ipakita sa amin kung paano makakapunta sa lungsod, at magiging mabuti kami sa iyo.
25 Ipinakita niya sa kanila ang isang daan patungo sa lungsod. At kanilang sinalakay ang lungsod sa pamamagitan ng talim ng espada, pero hinayaan nila ang lalaki at lahat ng kaniyang pamilya na makalayo.
26 At ang lalaki ay pumunta sa lupain ng mga anak ni Het at nagtayo ng isang lungsod at tinawag itong Luz, na pangalan nito sa araw na ito.
27 Hindi pinalayas ng mga tao ng Manases ang mga taong naninirahan sa mga lungsod ng Bet San at ang mga nayon nito, o Taanac at ang mga nayon nito, o ang mga naninirahan sa Dor at ang mga nayon nito, o ang mga naninirahan sa Ibleam at ang mga nayon nito, o ang mga naninirahan sa Megido at ang mga nayon nito, dahil determinado ang mga Cananeo na manirahan sa lupaing iyan.
28 Nang maging malakas ang Israel, pinilit nila ang mga Cananeo na paglingkuran sila sa pamamagitan ng mahirap na trabaho, pero hindi nila kailanman sila ganap na pinalayas.
29 Hindi pinalayas ng Efraim ang mga Cananeong naninirahan sa Gezer, kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo sa Gezer kasama nila.
30 Hindi pinalayas ng Zabulun ang mga taong naninirahan sa Kitron, o ang mga taong naninirahan sa Nahalol, kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo kasama nila, pero pinilit ng Zabulun ang mga Cananeo na paglingkuran sila sa pamamagitan ng mabigat na trabaho.
31 Hindi pinalayas ng Aser ang mga taong naninirahan sa Acco, o ang mga taong naninirahan sa Sidon, o ang mga naninirahan sa Alab, Aczib, Helba, Apik, o Rehob.
32 Kaya naninirahan ang lipi ng Aser kasama ang mga Cananeo (ang mga nanirahan sa lupain), dahil sila'y hindi nila pinalayas.
33 Hindi pinalayas ng lipi ni Neftali ang mga naninirahan sa Bet-semes, o ang mga naninirahan sa Bet Anat. Kaya nanirahan ang lipi ni Neftali kasama ang mga Cananeo (ang mga taong naninirahan sa lupaing iyon). Gayunpaman, ang mga naninirahan sa Bet-semes at Bet Anat ay sapilitang pinagtrabaho ng mabigat para sa Neftali.
34 Pinilit ng mga Amoreo ang lipi ni Dan na manirahan sa burol na bansa, sila ay hindi pinahihintulutang bumaba sa kapatagan.
Mga Hukom 1 in Banal na Bibliya