1Makinig kayo, Oh bayan ko, sa aking kautusan: ikiling ninyo ang inyong mga pakinig sa mga salita ng aking bibig.
2Aking bubukhin ang aking bibig sa isang talinghaga; ako'y magsasalita ng mga malabong sabi ng una:
3Na aming narinig at naalaman, at isinaysay sa amin ng aming mga magulang.
4Hindi namin ikukubli sa kanilang mga anak, na isasaysay sa salin ng lahing darating ang mga pagpuri sa Panginoon, at ang kaniyang kalakasan, at ang kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa.
5Sapagka't siya'y nagtatag ng patotoo sa Jacob, at nagtakda ng kautusan sa Israel, na kaniyang iniutos sa aming mga magulang, na kanilang ipabatid sa kanilang mga anak:
6Upang maalaman ng lahing darating, sa makatuwid baga'y ng mga anak na ipanganganak; na siyang magsisibangon, at mangagsasaysay sa kanilang mga anak:
7Upang kanilang mailagak ang kanilang pagasa sa Dios, at huwag kalimutan ang mga gawa ng Dios, Kundi ingatan ang kaniyang mga utos:
8At huwag maging gaya ng kanilang mga magulang, may matigas na ulo at mapanghimagsik na lahi; isang lahing di naglagay sa matuwid ng kanilang puso, at ang kanilang diwa ay hindi tapat sa Dios,
9Ang mga anak ni Ephraim, gayong may sakbat at may dalang mga busog, at nagsitalikod sa kaarawan ng pagbabaka.
10Hindi nila tinupad ang tipan ng Dios, at nagsitangging magsilakad sa kaniyang kautusan;
11At kanilang kinalimutan ang kaniyang mga gawa, at ang kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ipinakita sa kanila.
12Mga kagilagilalas na mga bagay ay ginawa niya sa paningin ng kanilang mga magulang, sa lupain ng Egipto, sa parang ng Zoan.
13Hinawi niya ang dagat, at pinaraan niya sila; at kaniyang pinatayo ang tubig na parang bunton.
14Sa araw naman ay kaniyang pinatnubayan sila sa pamamagitan ng isang ulap, at buong gabi ay sa pamamagitan ng tanglaw na apoy.
15Kaniyang pinuwangan ang mga bato sa ilang, at pinainom niya sila ng sagana na gaya ng mula sa mga kalaliman.