Text copied!
Bibles in Tagalog

Mga Awit 41:1-11 in Tagalog

Help us?

Mga Awit 41:1-11 in Ang Dating Biblia (1905)

1 Mapalad siya na nagpapakundangan sa dukha: ililigtas siya ng Panginoon sa panahon ng kaligaligan.
2 Pananatilihin siya, at iingatan siyang buhay ng Panginoon, at siya'y pagpapalain sa ibabaw ng lupa; at huwag mong ibigay siya sa kalooban ng kaniyang mga kaaway.
3 Aalalayan siya ng Panginoon sa hiligan ng panghihina: iyong inaayos ang buo niyang higaan sa kaniyang pagkakasakit.
4 Aking sinabi, Oh Panginoon, maawa ka sa akin: pagalingin mo ang aking kaluluwa; sapagka't ako'y nagkasala laban sa iyo.
5 Ang aking mga kaaway ay nangagsasalita ng kasamaan laban sa akin, na nangagsasabi, kailan siya mamamatay, at mapapawi ang kaniyang pangalan?
6 At kung siya'y pumaritong tingnang ako siya'y nagsasalita ng walang kabuluhan; ang kaniyang puso ay nagpipisan ng kasamaan sa kaniyang sarili; pagka siya'y lumabas, isinasaysay niya.
7 Yaong lahat na nangagtatanim sa akin ay nangagbubulong-bulungan laban sa akin: laban sa akin ay nagsisikatha ng panghamak.
8 Isang masamang sakit, wika nila, ay kumapit na madali sa kaniya; at ngayon siyang nahihiga ay hindi na babangon pa.
9 Oo, ang aking kasamasamang kaibigan, na aking tiniwalaan, na kumain ng aking tinapay, nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.
10 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, maawa ka sa akin, at ibangon mo ako, upang aking magantihan sila.
11 Sa pamamagitan nito ay natatalastas ko na nalulugod ka sa akin, sapagka't ang aking kaaway ay hindi nagtatagumpay sa akin.
Mga Awit 41 in Ang Dating Biblia (1905)

Mga Awit 41:1-11 in Banal na Bibliya

1 Mapalad siya na may malasakit para sa mga mahihina; sa araw ng kaguluhan, Si Yahweh ang magliligtas sa kaniya.
2 Pangangalagaan siya ni Yahweh at buhay niya ay pananatilihin, at sa lupa siya ay pagpapalain. Hindi siya ibibigay ni Yahweh sa kapangyarihan ng kaniyang mga kaaway.
3 Si Yahweh ang aalalay sa kaniya sa higaan ng paghihirap; gagawin mong higaan ng kagalingan ang kaniyang higaan ng karamdaman.
4 Sinabi ko, “Yahweh, maawa ka sa akin! Pagalingin mo ako dahil nagkasala ako laban sa iyo.”
5 Ang mga kaaway ko ay nagsasalita ng masama laban sa akin, nagsasabing, “Kailan kaya siya mamamatay at maglalaho ang kaniyang pangalan?
6 Kapag pumupunta ang kaaway ko para makita ako, nagsasabi siya ng mga bagay na walang kwenta; iniipon ng kaniyang puso ang aking sakuna para sa kaniyang sarili, kapag lumayo siya mula sa akin, ipinagsasabi niya sa iba ang tungkol dito.
7 Lahat ng mga napopoot sa akin ay sama-samang nagbubulungan laban sa akin; laban sa akin, umaasa sila na masaktan ako.
8 “Isang masamang karamdaman,” sinasabi nila, “ang kumakapit ng mahigpit sa kaniya; ngayon na nakahiga na siya, hindi na siya makakabangon pa.”
9 Sa katunayan, kahit ang sarili kong malapit na kaibigan na aking pinagkakatiwalaan, ang siyang kumain ng aking tinapay, ay inangat ang sakong niya laban sa akin.
10 Pero ikaw, Yahweh, ay naawa sa akin at ibinangon ako para pagbayarin ko sila.
11 Sa pamamagitan nito nalaman ko na nasisiyahan ka sa akin, dahil ang mga kaaway ko ay hindi nagtatagumpay laban sa akin.
Mga Awit 41 in Banal na Bibliya