Text copied!
CopyCompare
Ang Dating Biblia (1905) - Mga Awit - Mga Awit 119

Mga Awit 119:45-115

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
45At lalakad ako sa kalayaan; sapagka't aking hinanap ang iyong mga tuntunin.
46Ako nama'y magsasalita ng iyong mga patotoo sa harap ng mga hari, at hindi ako mapapahiya.
47At ako'y maaaliw sa iyong mga utos, na aking iniibig.
48Akin namang itataas ang aking mga kamay sa iyong mga utos, na aking inibig; at ako'y magbubulay sa iyong mga palatuntunan.
49Iyong alalahanin ang salita sa iyong lingkod, na doo'y iyong pinaasa ako.
50Ito'y aking kaaliwan sa aking pagkapighati: sapagka't binuhay ako ng iyong salita.
51Ang palalo ay dumuwahaging mainam sa akin: gayon ma'y hindi ako hihiwalay sa iyong kautusan.
52Aking inalaala ang mga kahatulan mo ng una, Oh Panginoon, at ako'y nagaliw sa sarili.
53Maalab na galit ang humawak sa akin, dahil sa masama na nagpabaya ng iyong kautusan.
54Ang iyong mga palatuntunan ay naging aking mga awit sa bahay ng aking pangingibang bayan.
55Aking inalaala sa gabi ang pangalan mo, Oh Panginoon, at sinunod ko ang iyong kautusan.
56Ito ang tinamo ko, sapagka't aking iningatan ang mga tuntunin mo.
57Ang Panginoon ay aking bahagi: aking sinabi na aking tutuparin ang iyong mga salita.
58Aking hiniling ang iyong biyaya ng aking buong puso: magmahabagin ka sa akin ayon sa iyong salita.
59Ako'y nagiisip sa aking mga lakad, at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo.
60Ako'y nagmadali, at hindi ako nagmakupad, na sundin ang iyong mga utos.
61Pinuluputan ako ng mga panali ng masama; nguni't hindi ko nilimot ang iyong kautusan.
62Sa hating gabi ay babangon ako upang magpasalamat sa iyo, dahil sa iyong mga matuwid na kahatulan.
63Ako'y kasama ng lahat na nangatatakot sa iyo, at ng nagsisitupad ng iyong mga tuntunin.
64Ang lupa, Oh Panginoon, ay puno ng iyong kagandahang-loob: ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
65Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita.
66Turuan mo ako ng mabuting kahatulan at kaalaman; sapagka't ako'y sumampalataya sa iyong mga utos.
67Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako; nguni't ngayo'y tinutupad ko ang iyong salita.
68Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti; ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
69Ang palalo ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin: aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
70Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo; nguni't ako'y naaaliw sa iyong kautusan.
71Mabuti sa akin na ako'y napighati; upang aking matutuhan ang mga palatuntunan mo.
72Ang kautusan ng iyong bibig ay lalong mabuti sa akin kay sa libong ginto at pilak.
73Ginawa ako at inanyuan ako ng iyong mga kamay: bigyan mo ako ng unawa, upang matutuhan ko ang iyong mga utos.
74Silang nangatatakot sa iyo ay makikita ako, at matutuwa; sapagka't ako'y umasa sa iyong salita;
75Talastas ko, Oh Panginoon na ang mga kahatulan mo ay matuwid, at sa pagtatapat, iyo akong dinalamhati.
76Isinasamo ko sa iyo na maging kaaliwan ko ang iyong kagandahang-loob, ayon sa iyong salita sa iyong lingkod.
77Dumating nawa sa akin ang iyong malumanay na kaawaan upang ako'y mabuhay: sapagka't ang kautusan mo'y aking kaaliwan.
78Mahiya ang palalo; sapagka't dinaig nila ako ng walang kadahilanan: nguni't ako'y magbubulay sa iyong mga tuntunin.
79Bumalik nawa sa akin yaong nangatatakot sa iyo, at silang nangakakakilala ng iyong mga patotoo.
80Maging sakdal nawa ang aking puso sa iyong mga palatuntunan; upang huwag akong mapahiya.
81Pinanglulupaypayan ng aking kaluluwa ang iyong pagliligtas: nguni't umaasa ako sa iyong salita.
82Pinangangalumatahan ng aking mga mata ang iyong salita, samantalang aking sinasabi, Kailan mo ako aaliwin?
83Sapagka't ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak sa usok; gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong mga palatuntunan.
84Gaano karami ang mga kaarawan ng iyong lingkod? Kailan ka gagawa ng kahatulan sa kanila na nagsisiusig sa akin?
85Inihukay ako ng palalo ng mga lungaw na hindi mga ayon sa iyong kautusan.
86Lahat mong mga utos ay tapat. Kanilang inuusig ako na may kamalian; tulungan mo ako.
87Kanilang tinunaw ako halos sa ibabaw ng lupa; nguni't hindi ko pinabayaan ang mga tuntunin mo.
88Buhayin mo ako ayon sa iyong kagandahang-loob; sa gayo'y aking iingatan ang patotoo ng iyong bibig.
89Magpakailan man, Oh Panginoon, ang iyong salita ay natatag sa langit.
90Ang iyong pagtatapat ay sa lahat ng sali't saling lahi: iyong itinatag ang lupa, at lumalagi.
91Namamalagi sa araw na ito ayon sa iyong mga alituntunin; sapagka't lahat ng bagay ay mga lingkod mo.
92Kundi ang kautusan mo'y naging aking kaaliwan, namatay nga sana ako sa aking kadalamhatian.
93Hindi ko kalilimutan kailan man ang mga tuntunin mo; sapagka't sa pamamagitan ng mga yaon ay binuhay mo ako.
94Ako'y iyo, iligtas mo ako, sapagka't aking hinanap ang mga tuntunin mo,
95Inabatan ako ng masama upang ako'y patayin; nguni't aking gugunitain ang iyong mga patotoo.
96Aking nakita ang wakas ng buong kasakdalan; nguni't ang utos mo'y totoong malawak.
97Oh gaanong iniibig ko ang iyong kautusan! Siya kong gunita buong araw.
98Pinarunong ako kay sa aking mga kaaway ng iyong mga utos; sapagka't mga laging sumasa akin.
99Ako'y may higit na unawa kay sa lahat ng tagapagturo sa akin; sapagka't ang iyong mga patotoo ay gunita ko.
100Ako'y nakakaunawa na higit kay sa may katandaan, sapagka't aking iningatan ang mga tuntunin mo.
101Aking pinigil ang mga paa ko sa lahat ng masamang lakad, upang aking masunod ang salita mo.
102Ako'y hindi lumihis sa iyong mga kahatulan; sapagka't iyong tinuruan ako.
103Pagkatamis ng iyong mga salita sa aking lasa! Oo, matamis kay sa pulot sa aking bibig!
104Sa iyong mga tuntunin ay nagkakamit ako ng unawa: kaya't aking ipinagtatanim ang bawa't lakad na sinungaling.
105Ang salita mo'y ilawan sa aking mga paa, at liwanag sa aking landas.
106Ako'y sumumpa, at pinagtibay ko, na aking tutuparin ang mga matuwid mong kahatulan.
107Ako'y nagdadalamhating mainam: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita.
108Tanggapin mo, isinasamo ko sa iyo, ang mga kusang handog ng aking bibig, Oh Panginoon, at ituro mo sa akin ang mga kahatulan mo.
109Ang kaluluwa ko'y laging nasa aking kamay; gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo.
110Ipinaglagay ako ng silo ng masama; gayon ma'y hindi ako lumihis sa iyong mga tuntunin.
111Ang mga patotoo mo'y inari kong pinakamana magpakailanman; sapagka't sila ang kagalakan ng aking puso.
112Ikiniling ko ang puso ko na ganapin ang mga palatuntunan mo, magpakailan man, sa makatuwid baga'y hanggang sa wakas.
113Ipinagtatanim ko sila na may salawahang pagiisip; nguni't ang iyong kautusan ay iniibig ko.
114Ikaw ang kublihan kong dako at kalasag ko: ako'y umaasa sa iyong salita.
115Magsihiwalay kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng kasamaan; upang aking maingatan ang mga utos ng aking Dios.

Read Mga Awit 119Mga Awit 119
Compare Mga Awit 119:45-115Mga Awit 119:45-115