24 Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan ninyong mabuti ang inyong naririnig, ang panukat na inyong ginagamit ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at idadagdag ito sa inyo.
25 Dahil sinumang mayroon ay pagkakalooban ng higit pa, at sinumang wala, kukunin maging ang anumang nasa kaniya.”
26 At sinabi niya, “Ang kaharian ng Diyos ay tulad ng isang taong naghasik ng kaniyang binhi sa lupa.
27 Sa gabi siya ay natutulog at sa umaga siya ay bumabangon, at ang binhi ay sumisibol at tumutubo, ngunit hindi niya alam kung paano.
28 Ang lupa sa sarili niya ay namumunga ng butil: una ang sibol, sunod ang mga tangkay, sunod ang mga hinog na butil sa tangkay.
29 At kapag nahinog na ang butil, agad niyang ipinadadala ang panggapas sapagkat dumating na ang anihan.”
30 At sinabi niya, “Saan natin maihahambing ang kaharian ng Diyos, o anong talinghaga ang magagamit natin upang maipaliwanag ito?
31 Ito ay katulad ng buto ng mustasa na kapag ito ay itinanim, ito ang pinakamaliit sa lahat ng mga buto sa daigdig.
32 Gayunpaman, kapag ito ay naitanim, tumutubo ito at nagiging pinakamalaki sa lahat ng mga tanim sa bukirin at nagkakaroon ito ng malalaking sanga, kaya ang mga ibon sa himpapawid ay nakakapamugad sa lilim nito.
33 Ipinangaral niya ang salita sa kanila sa pamamagitan ng maraming talinghagang katulad nito, hanggang sa kaya nilang maunawaan,
34 at hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga. Ngunit kapag siya ay nag-iisa na lamang, ipinapaliwanag niya ang lahat sa kaniyang sariling mga alagad.