4Panahon ng pagiyak, at panahon ng pagtawa; panahon ng pagtangis, at panahon ng pagsayaw;
5Panahon ng paghahagis ng mga bato, at panahon ng pagpipisan ng mga bato; panahon ng pagyakap, at panahon ng pagpipigil sa pagyakap;
6Panahon ng paghanap, at panahon ng pagkawala: panahon ng pagiingat, at panahon ng pagtatapon;
7Panahon ng pagpunit, at panahon ng pananahi; panahon ng pagtahimik, at panahon ng pagsasalita;
8Panahon ng pagibig, at panahon ng pagtatanim; panahon ng digma, at panahon ng kapayapaan.
9Anong pakinabang ang tinatamo niya, na gumagawa sa kaniyang pinagpapagalan?
10Aking nakita ang sakit na ibinigay ng Dios sa mga anak ng mga tao upang pagsanayan.
11Ginawa niya ang bawa't bagay na maganda sa kapanahunan niyaon: inilagay rin niya ang sanglibutan sa kanilang puso, na anopa't hindi matalos ng tao ang gawa na ginawa ng Dios mula sa pasimula hanggang sa wakas.
12Nalalaman ko, na walang maigi sa kanila, kay sa magalak, at gumawa ng mabuti habang sila'y nabubuhay.
13At ang bawa't tao rin naman ay marapat kumain at uminom, at magalak sa kabutihan sa lahat niyang gawa, siyang kaloob ng Dios.
14Nalalaman ko, na anomang ginagawa ng Dios, magiging magpakailan pa man: walang bagay na maidadagdag, o anomang bagay na maaalis: at ginawa ng Dios, upang ang tao ay matakot sa harap niya.
15Ang nangyari sa nagdaan ay nangyari na; at ang mangyayari pa ay nangyari na rin; at hinahanap uli ng Dios ang nakaraan na.
16At bukod dito'y aking nakita sa ilalim ng araw, sa dako ng kahatulan, na nandoon ang kasamaan; at sa dako ng katuwiran, na nandoon ang kasamaan.
17Sinabi ko sa puso ko, Hahatulan ng Dios ang matuwid at ang masama: sapagka't may panahon doon sa bawa't panukala at sa bawa't gawa.
18Sinabi ko sa puso ko, Dahil sa mga anak ng mga tao, upang subukin sila ng Dios, at upang kanilang makita na sila'y mga hayop lamang.
19Sapagka't ang nangyayari sa mga anak ng mga tao ay nangyayari sa mga hayop: sa makatuwid baga'y isang bagay ang nangyari sa kanila: kung paanong namamatay ang hayop, gayon namamatay ang tao; oo, silang lahat ay may isang hininga; at ang tao ay wala ng karangalang higit sa hayop: sapagka't lahat ay walang kabuluhan.
20Lahat ay nagsisiyaon sa isang dako; lahat ay buhat sa alabok, at lahat ay nangauuwi sa alabok uli.
21Sinong nakakaalam ng diwa ng tao kung napaiilanglang, at ng diwa ng hayop kung napaiibaba sa lupa?