22 Nilikha ako ni Yahweh mula pa noong pasimula — ang una sa kaniyang mga ginawa noong unang panahon.
23 Mula pa noong unang panahon, inilagay na ako sa pagkalalagyan—mula ng una, mula pa sa pasimula ng mundo.
24 Bago pa magkaroon ng mga karagatan, ako ay isinilang na—bago pa magkaroon ng mga bukal na may masaganang tubig, bago pa ilagay ang mga bundok,
25 at bago pa ang mga burol, ako ay ipinanganak na.
26 Ipinanganak na ako bago pa likhain ni Yahweh ang lupa o mga bukirin, o kahit ang unang alikabok sa mundo.
27 Naroon na ako nang naitatag niya ang kalangitan, nang kaniyang ginuhit ang hangganan sa ibabaw ng kailaliman.
28 Naroon na ako nang naitatag niya ang mga kalangitan sa itaas at nang ginawa niya ang mga bukal sa kalaliman.
29 Naroon na ako nang ginawa niya ang hangganan para sa dagat, kaya ang katubigan ay hindi kumalat lagpas kung saan niya iniutos, at kung saan niya inutos ilagay ang mga pundasyon ng lupa.
30 Ako ay nasa tabi niya, bilang isang dalubhasang manggagawa, at ako ang kanyang kasiyahan sa araw araw, laging nagagalak sa harap niya.
31 Nagagalak ako sa kanyang buong daigdig, at ang kasiyahan ko ay nasa sangkatauhan.
32 At ngayon, aking mga anak na lalaki, makinig kayo sa akin, dahil silang mga nananatili sa aking mga pamamaraan ay magiging masaya.
33 Makinig kayo sa aking katuruan at maging marunong; huwag kaligtaan ito.
34 Ang siyang nakikinig sa akin ay magiging masaya — nagmamasid bawat araw sa aking mga tarangkahan, naghihintay sa akin sa tabi ng mga pintuan ng aking tahanan.
35 Dahil ang sinumang nakakatagpo sa akin ay nakakatagpo ng buhay, at matatagpuan niya ang kagandahang loob ni Yahweh.
36 Pero siya na nabibigong matagpuan ako ay pinapahamak ang kaniyang sarili; ang lahat ng namumuhi sa akin ay umiibig sa kamatayan.”