Text copied!
Bibles in Tagalog

Mga Kawikaan 3:18-31 in Tagalog

Help us?

Mga Kawikaan 3:18-31 in Ang Dating Biblia (1905)

18 Siya ay punong kahoy ng buhay sa mga nanghahawak sa kaniya: at mapalad ang bawa't isa na nangamamalagi sa kaniya.
19 Nilikha ng Panginoon ang lupa sa pamamagitan ng karunungan; itinatag niya ang langit sa pamamagitan ng kaunawaan.
20 Sa kaniyang kaalaman ay nabahagi ang mga kalaliman, at ang mga alapaap ay nagsipatak ng hamog.
21 Anak ko, huwag silang mangahiwalay sa iyong mga mata; ingatan mo ang magaling na karunungan at ang kabaitan;
22 Sa gayo'y magiging buhay sila sa iyong kaluluwa, at biyaya sa iyong leeg.
23 Kung magkagayo'y lalakad ka ng iyong lakad na tiwasay, at ang iyong paa ay hindi matitisod.
24 Pagka ikaw ay nahihiga, hindi ka matatakot: Oo, ikaw ay mahihiga at ang iyong tulog ay magiging mahimbing.
25 Huwag kang matakot ng biglang pagkatakot, ni sa pagkabuwal man ng masama, pagka dumarating:
26 Sapagka't ang Panginoon ay magiging iyong pagtitiwala, at iingatan ang iyong paa sa pagkahuli.
27 Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito'y gawin.
28 Huwag mong sabihin sa iyong kapuwa, Yumaon ka, at bumalik uli, at bukas ay magbibigay ako; pagka ikaw ay mayroon.
29 Huwag kang kumatha ng kasamaan laban sa iyong kapuwa, na palibhasa't tumatahang tiwasay sa siping mo.
30 Huwag kang makipagusapin sa kanino man ng walang kadahilanan, kung hindi siya gumawa ng kasamaan sa iyo.
31 Huwag kang managhili sa taong marahas, at huwag kang pumili ng anoman sa kaniyang mga lakad.
Mga Kawikaan 3 in Ang Dating Biblia (1905)

Mga Kawikaan 3:18-31 in Banal na Bibliya

18 Siya ay isang puno ng buhay sa mga humahawak dito, ang mga kumakapit dito ay masasaya.
19 Sa pamamagitan ng karunungan itinatag ni Yahweh ang mundo, sa pamamagitan ng pang-unawa itinayo niya ang kalangitan.
20 Sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman, ang mga kailaliman ay bumukas at ibinagsak ng mga ulap ang kanilang hamog.
21 Aking anak, panatilihin ang mahusay na pagpapasya at talas ng pag-iisip, at huwag mawala ang paningin sa mga ito.
22 Ang mga ito ay buhay sa iyong kaluluwa at isang palamuti ng pabor para isuot sa iyong leeg.
23 Pagkatapos ikaw ay lalakad sa iyong daan sa kaligtasan at ang iyong paa ay hindi madarapa;
24 kapag ikaw ay humiga, hindi ka matatakot; kapag ikaw ay humiga, ang iyong tulog ay magiging mahimbing.
25 Huwag matakot sa biglaang pagkakilabot o pagkawasak na idinulot ng mga masasama, kapag dumating ang mga ito,
26 dahil si Yahweh ay nasa iyong tabi at iingatan ang iyong paa na huwag mahuli sa bitag.
27 Huwag ipagkait ang mabuti sa mga karapat-dapat dito, kapag nasa iyong kapangyarihan upang kumilos.
28 Huwag sabihin sa iyong kapwa, “pumunta ka, at bumalik muli at bukas ibibigay ko ito,” kapag ang pera ay nasa iyo.
29 Huwag gumawa ng plano para makasakit ng iyong kapwa— siya na nakatira sa malapit at nagtitiwala sa iyo.
30 Huwag makipagtalo sa isang tao ng walang dahilan, kapag wala siyang ginawa para saktan ka.
31 Huwag kainggitan ang isang marahas na tao o piliin ang kahit na ano sa kaniyang mga paraan.
Mga Kawikaan 3 in Banal na Bibliya