2 Kung paano ang maya sa kaniyang paggagala, kung paano ang langaylangayan sa kaniyang paglipad, gayon ang sumpa na walang kadahilanan ay hindi tumatalab.
3 Ang paghagupit ay sa kabayo, ang paningkaw ay sa asno, at ang pamalo ay sa likod ng mga mangmang.
4 Huwag mong sagutin ang mangmang ng ayon sa kaniyang kamangmangan, baka ikaw man ay maging gaya rin niya.
5 Sagutin mo ang mangmang ayon sa kaniyang kamangmangan, baka siya'y maging pantas sa ganang kaniya.
6 Siyang nagsusugo ng pasugo sa pamamagitan ng kamay ng mangmang naghihiwalay ng kaniyang mga paa, at umiinom sa kasiraan.
7 Ang mga hita ng pilay ay nabibitin: gayon ang talinghaga sa bibig ng mga mangmang.
8 Kung paano ang isa'y nagbabalot ng isang bato sa isang lambanog, gayon ang nagbibigay ng karangalan sa mangmang.
9 Kung paano ang tinik na tumutusok sa kamay ng lango, gayon ang talinghaga sa bibig ng mga mangmang.
10 Kung paano ang mamamana sumusugat sa lahat, gayon ang umupa sa mangmang at umuupa sa pagayongayon.
11 Kung paano ang aso na bumabalik sa kaniyang suka, gayon ang mangmang na umuulit ng kaniyang kamangmangan.
12 Nakikita mo ba ang taong pantas sa ganang kaniyang sarili. May higit na pagasa sa mangmang kay sa kaniya.
13 Sinabi ng tamad, may leon sa daan; isang leon ay nasa mga lansangan.
14 Kung paano ang pintuan ay pumipihit sa kaniyang bisagra, gayon ang tamad sa kaniyang higaan.
15 Idinadampot ng tamad ang kaniyang kamay sa pinggan; napapagod siyang dalhin uli sa kaniyang bibig.
16 Ang tamad ay lalong pantas sa ganang kaniyang sarili kay sa pitong tao na makapagbibigay katuwiran.
17 Ang nagdaraan, at nakikialam sa pagaaway na hindi ukol sa kaniya, ay gaya ng humahawak ng aso sa mga tainga.