Text copied!
Bibles in Tagalog

Mga Gawa 4:6-34 in Tagalog

Help us?

Mga Gawa 4:6-34 in Ang Dating Biblia (1905)

6 At si Anas, na dakilang saserdote, at si Caifas, at si Juan, at si Alejandro, at ang lahat ng kalipian ng dakilang saserdote.
7 At nang kanilang mailagay na sila sa gitna nila, ay sila'y tinanong, Sa anong kapangyarihan, o sa anong pangalan ginawa ninyo ito?
8 Nang magkagayo'y si Pedro, na puspos ng Espiritu Santo, ay nagsabi sa kanila, Kayong mga pinuno sa bayan, at matatanda,
9 Kung kami sa araw na ito'y sinisiyasat tungkol sa mabuting gawa na ginawa sa isang taong may-sakit, na kung sa anong paraan gumaling ito;
10 Talastasin ninyong lahat, at ng buong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay, dahil sa kaniya ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap na walang sakit.
11 Siya ang bato na itinakuwil ninyong mga nagtayo ng bahay, na naging pangulo sa panulok.
12 At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.
13 Nang makita nga nila ang katapangan ni Pedro at ni Juan, at pagkatalastas na sila'y mga taong walang pinagaralan at mga mangmang, ay nangagtaka sila; at nangapagkilala nila, na sila'y nangakasama ni Jesus.
14 At nang mangakita nila ang taong pinagaling na nakatayong kasama nila, ay wala silang maitutol.
15 Datapuwa't nang sila'y mangautusan na nilang magsilabas sa pulong, ay nangagsangusapan,
16 Na nangagsasabi, Anong gagawin natin sa mga taong ito? sapagka't tunay na ginawa sa pamamagitan nila ang himalang hayag sa lahat ng nangananahan sa Jerusalem; at hindi natin maikakaila.
17 Gayon ma'y upang huwag nang lalong kumalat sa bayan, atin silang balaan, na buhat ngayo'y huwag na silang mangagsalita pa sa sinomang tao sa pangalang ito.
18 At sila'y tinawag nila, at binalaan sila, na sa anomang paraan ay huwag silang magsipagsalita ni magsipagturo tungkol sa pangalan ni Jesus.
19 Datapuwa't si Pedro at si Juan ay nagsisagot at nagsipagsabi sa kanila, Kung katuwiran sa paningin ng Dios na makinig muna sa inyo kay sa Dios, inyong hatulan:
20 Sapagka't hindi mangyayaring di namin salitain ang mga bagay na aming nangakita at nangarinig.
21 At sila, nang mapagbalaan na nila, ay pinakawalan, palibhasa'y hindi nangakasumpong ng anomang bagay upang sila'y kanilang mangaparusahan, dahil sa bayan; sapagka't niluluwalhati ng lahat ng mga tao ang Dios dahil sa bagay na ginawa.
22 Sapagka't may mahigit nang apat na pung taong gulang ang tao, na ginawan nitong himala ng pagpapagaling.
23 At nang sila'y mangapakawalan na, ay nagsiparoon sa kanilang mga kasamahan, at iniulat ang lahat ng sa kanila'y sinabi ng mga pangulong saserdote at ng matatanda.
24 At sila, nang kanilang marinig ito, ay nangagkaisang itaas nila ang kanilang tinig sa Dios, at nangagsabi, Oh Panginoon, ikaw na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat, at ng lahat ng nangasa mga yaon:
25 Na sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng bibig ng aming amang si David, na iyong lingkod, ay sinabi mo, Bakit nangagalit ang mga Gentil, At nagsipaghaka ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan?
26 Nagsitayong handa ang mga hari sa lupa, At ang mga pinuno ay nangagpisanpisan, Laban sa Panginoon, at laban sa kaniyang Pinahiran.
27 Sapagka't sa katotohanan sa bayang ito'y laban sa iyong banal na Lingkod na si Jesus, na siya mong pinahiran, ang dalawa ni Herodes at ni Poncio Pilato, kasama ng mga Gentil at ng mga bayan ng Israel, ay nangagpisanpisan,
28 Upang gawin ang anomang naitakda na ng iyong kamay at ng iyong pasiya upang mangyari.
29 At ngayon, Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga bala: at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na salitain ang iyong salita ng buong katapangan,
30 Samantalang iyong iniuunat ang iyong kamay upang magpagaling; at upang mangyari nawa ang mga tanda at mga kababalaghan sa pangalan ng iyong banal na si Jesus.
31 At nang sila'y makapanalangin na, ay nayanig ang dakong pinagkakatipunan nila; at nangapuspos silang lahat ng Espiritu Santo, at kanilang sinalita na may katapangan ang salita ng Dios.
32 At ang karamihan ng mga nagsisampalataya ay nangagkakaisa ang puso at kaluluwa: at sinoma'y walang nagsabing kaniyang sarili ang anoman sa mga bagay na kaniyang inaari: kundi lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan.
33 At pinatotohanan ng mga apostol na may dakilang kapangyarihan, ang pagkabuhay na maguli ng Panginoong Jesus: at dakilang biyaya ang sumasa kanilang lahat.
34 Sapagka't walang sinomang nasasalat sa kanila: palibnasa'y ipinagbili ng lahat ng may mga lupa o mga bahay ang mga ito, at dinala ang mga halaga ng mga bagay na ipinagbili,
Mga Gawa 4 in Ang Dating Biblia (1905)

Mga Gawa 4:6-34 in Banal na Bibliya

6 Naroon si Anas, ang pinakapunong pari, at si Caifas, at si Juan, at si Alejandro, at lahat ng mga kamag-anak ng pinakapunong pari.
7 Nang mailagay nila sina Pedro at Juan sa kanilang kalagitnaan, tinanong nila sila, “Sa anong kapangyarihan, o sa anong pangalan, nagagawa ninyo ito?”
8 At si Pedro, na napuspos ng Banal na Espiritu ay nagsabi, “Kayong mga pinuno ng mga tao at mga nakatatanda,
9 kung sinisiyasat kami sa araw na ito tungkol sa kabutihang ginawa sa isang lalaking may karamdaman- sa anong paraan napagaling ang lalaking ito?
10 Malaman nawa ninyong lahat, at ng lahat ng mga taga-Israel, na sa pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na muling binuhay ng Diyos mula sa mga patay- sa pamamagitan niya kaya ang lalaking ito ay nakatayo na malusog sa inyong harapan.
11 Si Jesu-Cristo ang bato na itinakwil ninyo, bilang mga tagapagtayo, ngunit siya pa rin ang ginawang pangunahing batong panulukan.
12 Walang kaligtasan sa sinumang tao: sapagkat wala ng iba pang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, kung saan tayo maliligtas.”
13 Nang makita nila ang katapangan ni Pedro at Juan, at nabatid nila na sila ay pangkaraniwan lang, mga taong walang pinag-aralan, nagulat sila, at nalaman nilang sina Pedro at Juan ay nakasama ni Jesus.
14 Dahil nakita nila ang lalaking gumaling na nakatayong kasama nila, wala silang masabi laban dito.
15 Ngunit pagkatapos nilang utusan ang mga apostol na iwan ang pagpupulong ng konseho, nag-usap-usap sila.
16 Sinabi nila, “Ano ang gagawin natin sa mga lalaking ito?” Dahil ang katotohanan na may kakaibang himalang nagawa sa pamamagitan nila ay nalaman ng lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem at hindi natin ito maipagkakaila.
17 Ngunit upang hindi ito kumalat pa sa mga tao, bigyan natin sila ng babala na huwag magsasalita kaninuman sa pangalang ito.”
18 Tinawag nila sina Pedro at Juan na pumasok at inutusan sila na huwag magsasalita o magtuturo kailan man sa pangalan ni Jesus.
19 Ngunit sumagot sina Pedro at Juan at sinabi sa kanila, “Kung tama sa paningin ng Diyos na sundin kayo sa halip na siya, kayo na ang humatol.
20 Dahil hindi namin kayang hindi magsalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.”
21 Pagkatapos muling balaan sina Pedro at Juan, pinayagan na nila silang umalis. Hindi sila makahanap ng anumang dahilan upang sila ay parusahan, sapagka't ang lahat ng mga tao ay nagpupuri sa Diyos dahil sa nangyari.
22 Ang lalaking nakaranas ng himalang ito ng kagalingan ay higit na apatnapung taong gulang.
23 Pagkatapos nilang mapalaya, pumunta sina Pedro at Juan sa kanilang mga kasamahan at ibinalita ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga punong pari at mga nakatatanda.
24 Nang marinig nila ito, sama-sama nilang nilakasan ang kanilang mga boses sa Diyos at sinabi, “Panginoon, ikaw na siyang may gawa ng langit at lupa, at ng dagat, at ng lahat ng naroon,
25 ikaw na sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sa pamamagitan ng bibig ng aming amang si David na iyong lingkod, ay nagsabi, 'Bakit nagngangalit ang mga bansang Gentil at ang mga tao ay nag-iisip ng mga walang kabuluhang bagay?
26 Naghanda ang mga hari sa mundo, at sama-samang nagtipon ang mga tagapamuno laban sa Panginoon, at laban kay Cristo.
27 Totoong kapwa sina Herod at Poncio Pilato, kasama ang mga Gentil at ang mga Israelita ay nagtipon-tipon sa lungsod na ito laban sa inyong banal na lingkod na si Jesus, na inyong pinili.
28 Nagtipon-tipon sila upang isagawa ang lahat na napagpasyahan ng inyong kamay at ng inyong kagustuhan na mangyari noon pang una.
29 Ngayon, Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga babala at ipagkaloob mo sa iyong mga lingkod na maipahayag ang iyong salita na may katapangan.
30 Sa gayon habang iniuunat mo ang iyong kamay para magpagaling, ang mga palatandaan at himala ay mangyayari sa pamamagitan ng pangalan ng iyong banal na lingkod na si Jesus.”
31 Nang matapos silang manalangin, ang lugar kung saan sila nagtipon-tipon ay nayanig, at silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu, at ipinahayag nila ng may katapangan ang salita ng Diyos.
32 May iisang puso at kaluluwa ang maraming bilang ng mga nanampalataya: at wala ni isa man sa kanila ang nagsabi na anuman ang mayroon siya ay tunay na kaniya; sa halip, para sa kanilang lahat ang lahat ng bagay.
33 Ipinapahayag ng mga apostol ang kanilang patotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus ng may dakilang kapangyarihan, at labis na biyaya ay napa-sa kanilang lahat.
34 Wala ni isa man sa kanila ang kinukulang sa anumang bagay, dahil ang lahat ng mga nag mamay-ari ng titulo ng mga lupa o mga bahay ay ibinenta ang mga ito at dinala ang pera ng mga napagbentahan
Mga Gawa 4 in Banal na Bibliya