13 Nang makaraan nga ang ilang mga araw, si Agripa na hari at si Bernice ay nangagsidating sa Cesarea, at nagsibati kay Festo.
14 At nang sila'y magsitira roong maraming araw, ay isinaysay ni Festo sa hari ang usapin ni Pablo, na sinasabi, May isang taong bilanggo na iniwan ni Felix:
15 Tungkol sa kaniya nang ako'y nasa Jerusalem, ang mga pangulong saserdote at ang mga matanda sa mga Judio ay nangagbigay-alam sa akin, na hinihinging ako'y humatol laban sa kaniya.
16 Sa kanila'y aking isinagot, na hindi kaugalian ng mga taga Roma na ibigay ang sinomang tao, hanggang hindi nahaharap ang isinasakdal sa mga nagsisipagsakdal, at siya'y magkaroon ng pagkakataong makagawa ng kaniyang pagsasanggalang tungkol sa sakdal laban sa kaniya.
17 Nang sila nga'y mangagkatipon dito, ay hindi ako nagpaliban, kundi nang sumunod na araw ay lumuklok ako sa hukuman, at ipinaharap ko ang tao.
18 Tungkol sa kaniya, nang magsitindig ang mga nagsisipagsakdal, ay walang anomang sakdal na masamang bagay na maiharap sila na gaya ng aking sinapantaha;
19 Kundi may ilang mga suliranin laban sa kaniya tungkol sa kanilang sariling relihion, at sa isang Jesus, na namatay, na pinatutunayan ni Pablo na ito'y buhay.
20 At ako, palibhasa'y naguguluhan tungkol sa kung paano kayang mapagsisiyasat ang mga bagay na ito, ay itinanong ko kung ibig niyang pumaroon sa Jerusalem at doon siya hatulan tungkol sa mga bagay na ito.
21 Datapuwa't nang makapaghabol na si Pablo na siya'y ingatan upang hatulan ng emperador, ay ipinagutos kong ingatan siya hanggang sa siya'y maipadala ko kay Cesar.
22 At sinabi ni Agripa kay Festo, Ibig ko rin sanang mapakinggan ang tao. Bukas, sinasabi niya, siya'y mapapakinggan mo.
23 Kaya't nang kinabukasan, nang dumating si Agripa, at si Bernice, na may malaking karilagan, at nang mangakapasok na sila sa hukuman na kasama ang mga pangulong kapitan at ang mga maginoo sa bayan, sa utos ni Festo ay ipinasok si Pablo.