Text copied!
Bibles in Tagalog

Mga Gawa 23:10-30 in Tagalog

Help us?

Mga Gawa 23:10-30 in Ang Dating Biblia (1905)

10 At nang magkaroon ng malaking pagtatalo, sa takot ng pangulong kapitan na baka pagwaraywarayin nila si Pablo, ay pinapanaog ang mga kawal at ipinaagaw siya sa gitna nila, at siya'y ipinasok sa kuta.
11 At nang sumunod na gabi ay lumapit sa kaniya ang Panginoon, at sinabi, Laksan mo ang iyong loob: sapagka't kung paano ang pagkapatotoo mo tungkol sa akin sa Jerusalem, ay kailangang patotohanan mo rin gayon sa Roma.
12 At nang araw na, ay nangagkatipon ang mga Judio, at sila'y nangagpanata sa ilalim ng sumpa, na nagsisipagsabi na hindi sila kakain ni iinom man hanggang sa kanilang mapatay si Pablo.
13 At mahigit sa apat na pu ang mga nagsipanumpa ng ganito.
14 At sila'y nagsiparoon sa mga pangulong saserdote at sa mga matanda, at nangagsabi, Kami ay nangagpanata sa ilalim ng mahigpit na sumpa, na hindi titikim ng anoman hanggang sa mapatay namin si Pablo.
15 Ngayon nga kayo pati ng Sanedrin ay mangagpahiwatig sa pangulong kapitan na siya'y ipapanaog niya sa inyo, na waring ibig ninyong mahatulan ng lalong ganap ang sakdal tungkol sa kaniya: at kami, bago siya dumating ay nangahanda upang siya'y patayin.
16 Datapuwa't ang anak na lalake ng kapatid na babae ni Pablo ay narinig ang tungkol sa kanilang pagbabakay, at siya'y naparoon at pumasok sa kuta at isinaysay kay Pablo.
17 At tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturion, at sinabi, Dalhin mo ang binatang ito sa pangulong kapitan; sapagka't siya'y may isang bagay na sasabihin sa kaniya.
18 Kaya't siya'y kinuha, at dinala siya sa pangulong kapitan, at sinabi, Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at ipinamanhik sa aking dalhin ko sa iyo ang binatang ito, na may isang bagay na sasabihin sa iyo.
19 At tinangnan siya ng pangulong kapitan sa kamay, at pagtabi ay lihim na tinanong siya, Ano yaong sasabihin mo sa akin?
20 At sinabi niya, Pinagkasunduan ng mga Judio na sa iyo'y ipamanhik na iyong ipapanaog bukas si Pablo sa Sanedrin, na waring ikaw ay may sisiyasating lalong ganap tungkol sa kaniya.
21 Huwag ka ngang palamuyot sa kanila: sapagka't binabakayan siya ng mahigit na apat na pung katao sa kanila, na nangagsipagpanata sa ilalim ng sumpa, na hindi kakain ni iinom man hanggang sa siya'y kanilang mapatay: at ngayo'y nangahahanda sila, na nangaghihintay ng pangako mo.
22 Kaya't pinaalis ng pangulong kapitan ang binata, na ipinagbilin sa kaniya, Huwag mong sasabihin sa kanino man na ipinahiwatig mo sa akin ang mga bagay na ito.
23 At kaniyang tinawag ang dalawa sa mga senturion, at sinabi, Ihanda ninyo ang dalawang daang kawal upang magsiparoon hanggang sa Cesarea, at pitong pung kabayuhan, at dalawang daang sibatan, sa ikatlong oras ng gabi:
24 At pinapaghanda niya sila ng mga hayop, upang mapagsakyan kay Pablo, at siya'y maihatid na walang panganib kay Felix na gobernador.
25 At siya'y sumulat ng isang sulat, na ganito:
26 Si Claudio Lisias sa kagalanggalang na gobernador Felix, bumabati.
27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin na lamang sana nila, nang dumalo akong may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko, nang mapagtantong siya'y isang taga Roma.
28 At sa pagkaibig kong mapagunawa ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, ay ipinanaog ko siya sa kanilang Sanedrin:
29 Na nasumpungan ko na siya'y kanilang isinasakdal sa mga suliranin tungkol sa kanilang kautusan, datapuwa't walang anomang sakdal laban sa kaniya na marapat sa kamatayan o sa tanikala.
30 At nang ipakilala sa akin na may banta laban sa taong iyan, ay ipinadala ko siya agad sa iyo, na aking ipinagbilin din sa mga sa kaniya'y nangagsasakdal na mangagsalita sa harapan mo laban sa kaniya.
Mga Gawa 23 in Ang Dating Biblia (1905)

Mga Gawa 23:10-30 in Banal na Bibliya

10 Nang magkaroon ng labis na pagtatalo, natakot ang punong kapitan na baka pagpira-pirasuin nila si Pablo, kaya inutusan niya ang mga kawal na bumaba at sapilitan siyang kinuha ng mga kasapi ng konseho at dinala siya sa loob ng kampo.
11 Nang sumunod na gabi tumayo ang Panginoon sa kaniyang tabi at sinabi, “Huwag kang matakot, kung paano ka nagpatotoo patungkol sa akin sa Jerusalem, kailangan mo ring maging saksi sa Roma.”
12 Kinaumagahan, may ilang mga Judio ang gumawa ng kasunduan at sinumpa sa kanilang sarili: sinabi nila na hindi sila kakain o iinom ng kahit ano hangga't hindi nila mapatay si Pablo.”
13 Mahigit apat-napung kalalakihan ang gumawa ng planong ito.
14 Pumunta sila sa mga punong pari at mga nakatatanda at sinabi, “Nilagay namin ang aming sarili sa isang matinding sumpa, na hindi kami kakain ng anuman hangga't hindi namin mapatay si Pablo.
15 Kaya ngayon, hayaan ninyo na ang konseho ang magsabi sa punong kapitan na dalhin siya sa inyo, na para bang pagpapasyahan mo ng husto ang kaniyang kaso. Para sa amin, handa namin siyang patayin bago siya makapunta dito.”
16 Ngunit narinig ito ng lalaking anak ng kapatid na babae ni Pablo na matagal silang naghihintay, kaya pumunta siya at pumasok sa kampo at sinabi kay Pablo.
17 Tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturion at sinabi, “Dalhin mo ang binata na ito sa punong kapitan, dahil mayroon siyang sasabihin sa kaniya.”
18 Kaya sinama ng senturion ang binata at dinala sa punong kapitan at sinabi, “Pinatawag ako ng bilanggong si Pablo na pumunta sa kaniya, at nakiusap siya kung maaaring dalhin ko ang binatang ito sa iyo. May nais siyang sabihin sa iyo”
19 Hinila siya sa kamay ng punong kapitan at dinala sa pribadong lugar at siya ay tinanong, “Ano ang kinakailangan mong sabihin sa akin?”
20 Sinabi ng binata, “Nagkasundo ang mga Judio na hilingin sa iyo na ipadala mo si Pablo sa konseho bukas, na para bang sisiyasatin siya ng mabuti patungkol sa kaniyang kaso.
21 Pero huwag kang maniniwala sa kanila, dahil mayroong higit sa apat-napung kalalakihan ang nag-aabang sa kaniya. Isinumpa nila ang kanilang sarili, na hindi sila kakain o iinom hangga't mapatay nila siya. Ngayon pa lang nakahanda na sila, naghihintay ng pahintulot mula sa iyo.”
22 Kaya hinayaan ng punong kapitan ang binata na umalis, pagkatapos siyang mapagsabihang, “Wag mong babanggitin sa iba ang mga bagay na sinabi mo sa akin.”
23 Kaya pinatawag niya ang dalawang senturion at sinabi, “Maghanda kayo ng dalawang-daang kawal na handang magtungo hanggang sa Cesarea, at pitumpung mangangabayo, at dalawang-daang maninibat. Aalis kayo alas nuwebe ng gabi.”
24 Inutusan din niyang magbigay sila ng hayop na masasakyan ni Pablo, at dalhin siya ng ligtas kay gobernador Felix.
25 At nagsulat siya ng liham na ganito:
26 “Mula kay Claudio Lisias para sa kagalang-galang na Gobernador Felix, binabati ko kayo.
27 Ang taong ito ay dinakip ng mga Judio at muntik na nilang patayin, Nang dumating ako sa kanila kasama ang mga kawal upang sagipin siya, dahil nalaman kong isa siyang mamamayang Romano.
28 Nais kong malaman kung bakit siya pinaratangan nila, kaya dinala ko siya sa kanilang konseho.
29 Nalaman ko na pinaratangan siya patungkol sa mga katanungang hinggil sa kanilang sariling batas, ngunit wala sa mga inereklamo laban sa kaniya ang nararapat sa kamatayan o pagkabilanggo.
30 Pagkatapos naibalita sa akin na mayroon silang masamang balak laban sa lalaki, kaya agad-agad ko siyang pinadala sa iyo, at ipinagbilin din sa mga nag-aakusa sa kaniya na dalhin ang kanilang mga reklamo laban sa kaniya sa iyong harapan. Paalam.”
Mga Gawa 23 in Banal na Bibliya