Text copied!
Bibles in Tagalog

Mga Gawa 13:27-51 in Tagalog

Help us?

Mga Gawa 13:27-51 in Ang Dating Biblia (1905)

27 Sapagka't silang nangananahan sa Jerusalem at ang mga pinuno nila, dahil sa hindi nila pagkakilala sa kaniya, ni sa mga tinig ng mga propeta na sa tuwing sabbath ay binabasa, ay kanilang tinupad ang hatol sa kaniya.
28 At bagaman hindi sila nakasumpong sa kaniya ng anomang kadahilanang sukat ipatay, gayon ma'y kanilang hiningi kay Pilato na siya'y patayin.
29 At nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na nasusulat tungkol sa kaniya, ay kanilang ibinaba siya sa punong kahoy, at inilagay siya sa isang libingan.
30 Datapuwa't siya'y binuhay na maguli ng Dios sa mga patay:
31 At siya'y nakitang maraming mga araw ng mga kasama niyang nagsiahon buhat sa Galilea hanggang sa Jerusalem, na siyang mga saksi niya ngayon sa bayan.
32 At dinadalhan namin kayo ng mabubuting balita ng pangakong ipinangako sa mga magulang,
33 Na tinupad din ng Dios sa ating mga anak nang muling buhayin niya si Jesus; gaya naman ng nasusulat sa ikalawang awit, Ikaw ay aking Anak, sa araw na ito ay naging anak kita.
34 At tungkol sa muling binuhay niya, upang ngayon at kailan ma'y huwag nang magbalik sa kabulukan, ay nagsalita siya ng ganito, Ibibigay ko sa iyo ang banal at tunay na mga pagpapala ni David.
35 Sapagka't sinabi rin naman niya sa ibang awit, Hindi mo ipagkakaloob na ang iyong Banal ay makakita ng kabulukan.
36 Sapagka't si David, nang maipaglingkod na niya sa kaniyang sariling lahi ang pasiya ng Dios, ay natulog, at isinama sa kaniyang mga magulang, at nakakita ng kabulukan.
37 Datapuwa't yaong binuhay na maguli ng Dios ay hindi nakakita ng kabulukan.
38 Kaya maging hayag nawa sa inyo, mga kapatid, na sa pamamagitan ng taong ito'y ibinabalita sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan:
39 At sa pamamagitan niya ang bawa't nananampalataya ay inaaring ganap sa lahat ng mga bagay, na sa mga ito'y hindi kayo aariing ganap sa pamamagitan ng kautusan ni Moises.
40 Magsipagingat nga kayo, na baka magsisapit sa inyo ang sinalita ng mga propeta:
41 Tingnan ninyo, mga mapagwalang-halaga, at mangapagilalas kayo, at kayo'y mangaparam: Sapagka't ako'y gumagawa ng isang gawa sa inyong mga kaarawan, Isang gawang sa anomang paraa'y hindi ninyo paniniwalaan kung saysayin sa inyo ng sinoman.
42 At pagalis nila, ay kanilang ipinamanhik na salitain sa kanila ang mga salitang ito sa sabbath na susunod.
43 Nang makaalis nga ang kapisanan sa sinagoga, marami sa mga Judio at nangaging-Judiong masisipag sa kabanalan ay nagsisunod kay Pablo at kay Bernabe; na, sa pagsasalita sa kanila, ay sila'y hinimok na magsipanatili sa biyaya ng Dios.
44 At nang sumunod na sabbath ay nagkatipon halos ang buong bayan upang pakinggan ang salita ng Dios.
45 Datapuwa't nang makita ng mga Judio ang mga karamihan, ay nangapuno ng kapanaghilian, at tinutulan ang mga bagay na sinalita ni Pablo, at nagsipamusong.
46 At nagsipagsalita ng buong katapangan si Pablo at si Bernabe, at nagsipagsabi, Kinakailangang salitain muna ang salita ng Dios sa inyo. Yamang inyong itinatakuwil, at hinahatulan ninyong hindi kayo karapatdapat sa walang hanggang buhay, narito, kami ay pasasa mga Gentil.
47 Sapagka't ganito ang ipinagutos sa amin ng Panginoon, na sinasabi, Inilagay kitang isang ilaw ng mga Gentil, Upang ikaw ay maging sa ikaliligtas hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa.
48 At nang marinig ito ng mga Gentil, ay nangagalak sila, at niluwalhati ang salita ng Dios: at nagsisampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan.
49 At lumaganap ang salita ng Panginoon sa buong lupain.
50 Datapuwa't inudyukan ng mga Judio ang mga babaing masisipag sa kabanalan na may mga kalagayang mahal, at ang mga mahal na tao sa bayan, at nangagbangon ng paguusig laban kay Pablo at kay Bernabe, at kanilang pinalayas sila sa kanilang mga hangganan.
51 Datapuwa't ipinagpag nila ang alabok ng kanilang mga paa laban sa kanila, at nagsiparoon sa Iconio.
Mga Gawa 13 in Ang Dating Biblia (1905)

Mga Gawa 13:27-51 in Banal na Bibliya

27 Para sa kanila na taga-Jerusalem, at sa kanilang mga pinuno, na hindi totoong nakakakilala sa kaniya, ni hindi talaga nila nauunawaan ang tinig ng mga propeta habang binabasa tuwing Araw ng Pamamahinga; kaya natupad nila ang mga mensahe ng mga propeta sa pamamagitan ng paghatol kay Jesus sa kamatayan.
28 Kahit pa wala silang natagpuang dahilan upang patayin siya, hiniling nila kay Pilato na siya ay patayin.
29 At nang natupad na nilang lahat ang mga bagay na isinulat tungkol sa kaniya, siya ay kanilang ibinaba mula sa puno at inihiga sa isang libingan.
30 Ngunit binuhay siya ng Diyos mula sa mga patay.
31 Nakita siya sa loob ng maraming araw ng mga sumama sa kaniya mula Galilea hanggang Jerusalem. Ang mga taong ito ang naging mga saksi niya ngayon sa mga tao.
32 Kaya dala namin sa inyo ang magandang balita tungkol sa mga pangakong ibinigay sa ating mga ninuno.
33 Iningatan ng Diyos ang mga pangakong ito sa atin na kanilang mga anak, na kung saan binuhay niya si Jesus mula sa mga patay. Ito din ang naisulat sa ikalawang awit: 'Ikaw ang aking Anak, at ngayon ako ay iyong magiging Ama.'
34 Tungkol din naman sa katotohanang binuhay siya mula sa mga patay upang hindi mabulok ang kaniyang katawan, nagsalita siya ng katulad nito: 'Ipagkakaloob ko saiyo ang banal at maaasahang mga pagpapala ni David.'
35 Ito rin ay kung bakit niya sinabi sa iba pang awit, 'Hindi mo pahihintulutan na makitang mabulok ang iyong Nag-iisang Banal.'
36 Nang matapos paglingkuran ni David ang kaniyang sariling salinlahi sa mga nais ng Diyos, nakatulog siya, kasama nang kaniyang mga ama, at nabulok,
37 ngunit siya na binuhay ng Diyos ay hindi nabulok.
38 Kaya dapat ninyo itong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ng taong ito ay naipahahayag sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan.
39 Sa pamamagitan niya ang bawat isang mananampalataya ay pinawalang-sala mula sa lahat ng bagay na hindi kayang maipawalang-sala sa inyo sa kautusan ni Moises.
40 Kaya't mag-ingat kayo na hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta:
41 'Tingnan ninyo, mga mapang-alipusta, at mamangha kayo at saka mamamatay sapagkat isasagawa ko ang gawain sa inyong mga araw, isang gawaing hindi ninyo paniniwalaan kailanman, kahit pa mayroong maghayag nito sa inyo.'''
42 Habang paalis na sina Pablo at Bernabe, nagmakaawa sa kanila ang mga tao kung maaari nilang sabihin muli ang katulad na mensahe sa susunod na Araw ng Pamamahinga.
43 Nang matapos na ang pagpupulong sa sinagoga, marami sa mga Judio at mga taong nagbago ng paniniwala ang sumunod kina Pablo at Bernabe, na nagsalita sa kanila at nanghikayat na magpatuloy sa biyaya ng Diyos.
44 Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos ang buong lungsod ay nagsama-samang nagkatipon upang makinig ng salita ng Panginoon.
45 Nang makita ng mga Judio ang maraming tao, napuno sila ng pagka-inggit at nagsalita laban sa mga bagay na ipinahayag ni Pablo at ininsulto siya.
46 Ngunit matapang na nagsalita sina Pablo at Bernabe at sinabi, “Kinakailangan muna na ang salita ng Diyos ay maibahagi sa inyo. Ngunit nakikita kong itinutulak ninyo ito palayo sa inyong sarili at itinuturing ang inyong sarili na hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, tingnan ninyo, pupunta kami sa mga Gentil.
47 Sapagkat iniutos sa amin ng Panginoon, na nagsasabi, 'Inilagay ko kayo bilang ilaw sa mga Gentil upang kayo ay magdala ng kaligtasan sa mga pinakadulong bahagi ng mundo.”'
48 Nang narinig ito ng mga Gentil, nagalak sila at pinuri ang salita ng Panginoon. Nanampalataya ang mga naitalaga sa buhay na walang hanggan.
49 Lumaganap ang salita ng Panginoon sa buong rehiyon.
50 Ngunit hinikayat ng mga Judio ang mga relihiyoso at mga mahahalagang babae, gayon din ang mga lalaking namumuno sa lungsod. Nagdulot ito ng matinding pag-uusig laban kina Pablo at Bernabe at itinaboy sila hanggang sa hangganan ng kanilang lungsod.
51 Ngunit ipinagpag nina Pablo at Bernabe ang alikabok mula sa kanilang mga paa laban sa kanila. Pumunta sila sa lungsod ng Iconio.
Mga Gawa 13 in Banal na Bibliya