Text copied!
Bibles in Tagalog

Mga Awit 78:56-72 in Tagalog

Help us?

Mga Awit 78:56-72 in Ang Dating Biblia (1905)

56 Gayon ma'y nanukso at nanghimagsik sila laban sa Kataastaasang Dios, at hindi iningatan ang kaniyang mga patotoo;
57 Kundi nagsitalikod, at nagsigawang may paglililo na gaya ng kanilang mga magulang: sila'y nagsilisyang parang magdarayang busog.
58 Sapagka't minungkahi nila siya sa galit ng kanilang mga mataas na dako, at kinilos nila siya sa panibugho ng kanilang mga larawang inanyuan.
59 Nang marinig ito ng Dios, ay napoot, at kinayamutang lubha ang Israel:
60 Sa gayo'y kaniyang pinabayaan ang tabernakulo ng Silo, ang tolda na kaniyang inilagay sa gitna ng mga tao;
61 At ibinigay ang kaniyang kalakasan sa pagkabihag, at ang kaniyang kaluwalhatian ay sa kamay ng kaaway.
62 Ibinigay rin niya ang kaniyang bayan sa tabak; at napoot sa kaniyang mana.
63 Nilamon ng apoy ang kanilang mga binata; at ang mga dalaga nila'y hindi nagkaroon ng awit ng pagaasawa.
64 Ang mga saserdote nila'y nabuwal sa pamamagitan ng tabak; at ang mga bao nila'y hindi nanganaghoy.
65 Nang magkagayo'y gumising ang Panginoon na gaya ng mula sa pagkakatulog, gaya ng malakas na tao na humihiyaw dahil sa alak.
66 At sinaktan niya sa likod ang kaniyang mga kaaway: inilagay niya sila sa laging kadustaan.
67 Bukod dito'y tinanggihan niya ang tolda ng Jose, at hindi pinili ang lipi ni Ephraim;
68 Kundi pinili ang lipi ni Juda, ang bundok ng Zion na kaniyang inibig.
69 At itinayo niya ang kaniyang santuario na parang mga kataasan, parang lupa na kaniyang itinatag magpakailan man.
70 Pinili naman niya si David na kaniyang lingkod, at kinuha niya siya mula sa kulungan ng mga tupa:
71 Dinala niya siya na mula sa pagsunod sa mga tupa ng nagpapasuso, upang maging pastor ng Jacob na kaniyang bayan, at ang Israel na kaniyang mana.
72 Sa gayo'y siya ang kanilang pastor ayon sa pagtatapat ng kaniyang puso; at pinatnubayan niya sila sa pamamagitan ng kabihasahan ng kaniyang mga kamay.
Mga Awit 78 in Ang Dating Biblia (1905)

Mga Awit 78:56-72 in Banal na Bibliya

56 Pero hinamon at sumuway sila sa Kataas-taasang Diyos at hindi sinunod ang kaniyang banal na mga kautusan.
57 Hindi sila tapat at kumilos sila nang may kataksilan gaya ng kanilang mga ama; hindi sila maaasahan tulad ng isang sirang pana.
58 Dahil siya ay ginalit nila sa kanilang paganong mga templo at pinukaw siya na magalit dahil sa kanilang mga diyos-diyosan.
59 Nang marinig ito ng Diyos, nagalit siya at lubusang itinakwil ang Israel.
60 Iniwan niya ang banal na santuwaryo ng Shilo, ang tolda kung saan siya naninirahan kasama ng mga tao.
61 Hinayaan niyang mahuli ang kaniyang lakas at ibinigay niya ang kaniyang kaluwalhatian sa kamay ng kaniyang mga kaaway.
62 Ibinigay niya ang kaniyang bayan sa mga espada, at nagalit siya sa kaniyang pamana.
63 Nilamon ng apoy ang kanilang mga binata, at ang mga dalaga nila ay walang mga kantang pangkasal.
64 Nahulog ang kanilang mga pari sa espada, at ang kanilang mga balo ay hindi makaiyak.
65 Pagkatapos, gumising ang Diyos mula sa pagkakatulog, gaya ng isang mandirigma na sumisigaw dahil sa alak.
66 Pinaatras niya ang kaniyang mga kaaway; inilagay niya sila sa walang hanggang kahihiyan.
67 Tinanggihan niya ang tolda ni Jose, at hindi niya pinili ang tribu ni Efraim.
68 Pinili niya ang tribu ng Juda at Bundok ng Sion na iniibig niya.
69 Itinayo niya ang kaniyang banal na santuwaryo gaya ng langit, gaya ng daigdig na kaniyang itinatag magpakailanman.
70 Pinili niya si David, ang kaniyang lingkod, at kinuha siya mula sa kulungan ng mga tupa.
71 Kinuha siya mula sa pagsunod sa mga babaeng tupa kasama ng mga kanilang anak, at dinala siya para maging pastol ni Jacob, ng kaniyang bayan, at ng Israel, na kaniyang pamana.
72 Pinatnubayan sila ni David nang may dangal sa kaniyang puso, at ginabayan sila sa pamamagitan ng kahusayan ng kaniyang mga kamay.
Mga Awit 78 in Banal na Bibliya