27 Pinaulanan naman niya sila ng karne na parang alabok, at ng mga ibong parang buhangin sa mga dagat:
28 At pinalagpak niya sa gitna ng kanilang kampamento, sa palibot ng kanilang mga tahanan.
29 Sa gayo'y nagsikain sila, at nangabusog na mabuti; at ibinigay niya sa kanila ang kanilang pita.
30 Hindi sila nagsihiwalay sa kanilang pita, ang kanilang pagkain ay nasa kanila pang mga bibig,
31 Nang ang galit ng Dios ay paitaas laban sa kanila, at pumatay sa mga pinakamataba sa kanila, at sinaktan ang mga binata sa Israel.
32 Sa lahat ng ito ay nangagkasala pa sila, at hindi naniwala sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa.
33 Kaya't kaniyang pinaram ang kanilang mga kaarawan sa walang kabuluhan, at ang kanilang mga taon ay sa mga kakilabutan.
34 Nang kaniyang patayin sila, sila'y nangagusisa sa kaniya: at sila'y nagsibalik, at nagsihanap ng tapat sa Dios.
35 At kanilang naalaala na ang Dios ay kanilang malaking bato, at ang Kataastaasang Dios ay kanilang manunubos.
36 Nguni't tinutuya nila siya ng kanilang bibig, at pinagbubulaanan nila siya ng kanilang dila.
37 Sapagka't ang kanilang puso ay hindi matuwid sa kaniya, ni tapat man sila sa kaniyang tipan.
38 Nguni't siya, palibhasa'y puspos ng kaawaan, ay pinatawad ang kanilang kasamaan at hindi sila nilipol: Oo, madalas na inihiwalay ang kaniyang galit, at hindi pinukaw ang buo niyang poot.