Text copied!
Bibles in Tagalog

Mga Awit 78:16-46 in Tagalog

Help us?

Mga Awit 78:16-46 in Ang Dating Biblia (1905)

16 Nagpabukal naman siya mula sa bato. At nagpababa ng tubig na parang mga ilog.
17 Gayon ma'y nagkasala uli sila laban sa kaniya, upang manghimagsik laban sa Kataastaasan sa ilang.
18 At kanilang tinukso ang Dios sa kanilang puso, sa paghingi ng pagkain sa kanilang pita.
19 Oo, sila'y nagsalita laban sa Dios; kanilang sinabi, Makapaghahanda ba ang Dios ng dulang sa ilang?
20 Narito, kaniyang pinalo ang bato, na ang mga tubig ay bumubuluwak, at mga bukal ay nagsisiapaw; makapagbibigay ba siya ng tinapay naman? Ipaghahanda ba niya ng karne ang kaniyang bayan?
21 Kaya't narinig ng Panginoon, at napoot: at isang apoy ay nagalab laban sa Jacob, at galit naman ay napailanglang laban sa Israel;
22 Sapagka't sila'y hindi nagsisampalataya sa Dios, at hindi nagsitiwala sa kaniyang pagliligtas.
23 Gayon ma'y nagutos siya sa mga langit sa itaas, at binuksan ang mga pintuan ng langit;
24 At pinaulanan niya sila ng mana upang makain. At binigyan sila ng trigo ng langit.
25 Kumain ang tao ng tinapay ng makapangyarihan: pinadalhan niya sila ng pagkain hanggang sa nangabusog.
26 Kaniyang pinahihip ang hanging silanganan sa mga langit: at sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan ay pinatnubayan niya ang hanging timugan.
27 Pinaulanan naman niya sila ng karne na parang alabok, at ng mga ibong parang buhangin sa mga dagat:
28 At pinalagpak niya sa gitna ng kanilang kampamento, sa palibot ng kanilang mga tahanan.
29 Sa gayo'y nagsikain sila, at nangabusog na mabuti; at ibinigay niya sa kanila ang kanilang pita.
30 Hindi sila nagsihiwalay sa kanilang pita, ang kanilang pagkain ay nasa kanila pang mga bibig,
31 Nang ang galit ng Dios ay paitaas laban sa kanila, at pumatay sa mga pinakamataba sa kanila, at sinaktan ang mga binata sa Israel.
32 Sa lahat ng ito ay nangagkasala pa sila, at hindi naniwala sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa.
33 Kaya't kaniyang pinaram ang kanilang mga kaarawan sa walang kabuluhan, at ang kanilang mga taon ay sa mga kakilabutan.
34 Nang kaniyang patayin sila, sila'y nangagusisa sa kaniya: at sila'y nagsibalik, at nagsihanap ng tapat sa Dios.
35 At kanilang naalaala na ang Dios ay kanilang malaking bato, at ang Kataastaasang Dios ay kanilang manunubos.
36 Nguni't tinutuya nila siya ng kanilang bibig, at pinagbubulaanan nila siya ng kanilang dila.
37 Sapagka't ang kanilang puso ay hindi matuwid sa kaniya, ni tapat man sila sa kaniyang tipan.
38 Nguni't siya, palibhasa'y puspos ng kaawaan, ay pinatawad ang kanilang kasamaan at hindi sila nilipol: Oo, madalas na inihiwalay ang kaniyang galit, at hindi pinukaw ang buo niyang poot.
39 At naalaala niyang sila'y laman lamang; hanging dumadaan, at hindi bumabalik.
40 Kay dalas na nanghimagsik nila laban sa kaniya sa ilang, at pinapanglaw nila siya sa ilang!
41 At sila'y nagsibalik uli, at tinukso ang Dios, at minungkahi ang Banal ng Israel.
42 Hindi nila inalaala ang kaniyang kamay, ni ang araw man nang kaniyang tubusin sila sa kaaway.
43 Kung paanong kaniyang inilagay ang kaniyang mga tanda sa Egipto, at ang kaniyang mga kababalaghan sa parang ng Zoan;
44 At pinapaging dugo ang kanilang mga ilog, at ang kanilang mga bukal, na anopa't hindi sila makainom.
45 Nagsugo rin siya sa gitna nila ng mga pulutong ng mga bangaw na lumamon sa kanila; at mga palaka, na nagsigiba sa kanila.
46 Ibinigay rin niya ang kanilang bunga sa tipaklong, at ang kanilang pakinabang sa balang.
Mga Awit 78 in Ang Dating Biblia (1905)

Mga Awit 78:16-46 in Banal na Bibliya

16 Nagpaagos siya ng tubig mula sa bato at pinadaloy ang tubig gaya ng mga ilog.
17 Pero pinagpatuloy pa rin nilang magkasala sa inyo, nagrerebelde laban sa Kataas-taasang Diyos sa ilang.
18 Hinamon nila ang Diyos sa kanilang mga puso sa pamamagitan ng paghingi ng pagkain para pawiin ang kanilang gutom.
19 Nagsalita sila laban sa Diyos: Sabi nila, “Kaya ba talaga ng Diyos na maglatag ng lamesa para sa atin sa ilang?
20 Tingnan ninyo, nang hinampas niya ang bato, bumulwak ang tubig at nag-umapaw ang pagdaloy nito. Pero kaya din ba niya na magbigay ng tinapay? Magbibigay ba siya ng karne para sa kaniyang bayan?
21 Nang narinig ito ni Yahweh, nagalit siya; kaya nag-alab ang kaniyang apoy laban kay Jacob, nilusob ng galit niya ang Israel,
22 dahil hindi sila naniwala sa Diyos at hindi sila nagtiwala sa kaniyang kaligtasan.
23 Gayumpaman, inutusan niya ang mga kalangitan at binuksan ang pinto nito.
24 Nagpaulan siya ng manna para sa kainin nila, at binigyan sila ng butil mula sa langit.
25 Kinain ng mga tao ang tinapay ng mga anghel. Nagpadala siya sa kanila ng masaganang pagkain.
26 Pinaihip niya ang silangang hangin sa kalangitan, at sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, ginabayan niya ang katimugang hangin.
27 Nagpaulan siya ng karne para sa kanila gaya ng alikabok, mga ibon na singdami ng mga buhangin sa dagat.
28 Nahulog ito sa gitna ng kanilang kampo, sa buong paligid ng kanilang mga tolda.
29 Kaya kumain sila at nabusog. Binigay niya ang gusto nila.
30 Pero hindi pa rin sila nabusog; ang kanilang pagkain ay nasa mga bibig pa rin nila.
31 Pagkatapos, nilusob sila ng galit ng Diyos at pinatay ang pinakamalalakas sa kanila. Tinumba niya ang mga batang lalaki ng Israel.
32 Sa kabila nito, patuloy pa rin silang nagkasala at hindi sila naniwala sa kaniyang kahanga-hangang mga ginawa.
33 Dahil dito, pinaikli ng Diyos ang kanilang mga araw; ang kanilang mga taon ay napuno ng takot.
34 Sa tuwing pinapahirapan sila ng Diyos, nagsisimula silang hanapin siya, at babalik sila at masidhing hahanapin siya.
35 Maaalala nila na ang Diyos ang kanilang bato at ang Kataas-taasang Diyos ang kanilang tagapagligtas.
36 Pero bobolahin siya nila sa pamamagitan ng kanilang bibig at magsisinungaling sila sa pamamagitan ng kanilang mga salita.
37 Dahil ang kanilang mga puso ay hindi matatag na nakatuon sa kaniya, at hindi sila tapat sa kaniyang tipan.
38 Gayumpaman, siya ay naging maawain, pinatawad niya ang kanilang labis na kasalanan at hindi sila winasak. Oo, maraming beses niyang pinigil ang kaniyang galit at hindi pinukaw lahat ang kaniyang matinding galit.
39 Inalala niya na sila ay gawa sa laman, isang hangin na umiihip at hindi na bumalik.
40 Napakadalas nilang nagrebelde laban sa kaniya sa ilang at pinagdalamhati siya sa tigang na mga rehiyon!
41 Paulit-ulit nilang sinubok ang Diyos at sinaktan ang Banal ng Israel.
42 Hindi nila inisip ang kaniyang kapangyarihan, kung paano niya sila niligtas mula sa mga kalaban
43 nang ipinakita niya ang nakasisindak na mga tanda sa Ehipto at kababalaghan niya sa rehiyon ng Soan.
44 Ginawa niyang dugo ang mga ilog ng Ehipto para hindi sila makainom mula sa kanilang mga batis.
45 Nagpadala siya ng kulupon ng mga langaw na lumamon sa kanila at mga palaka na kumalat sa kanilang lupain.
46 Binigay niya ang kanilang mga pananim sa mga tipaklong at ang trabaho nila sa mga balang.
Mga Awit 78 in Banal na Bibliya