16 Nagpabukal naman siya mula sa bato. At nagpababa ng tubig na parang mga ilog.
17 Gayon ma'y nagkasala uli sila laban sa kaniya, upang manghimagsik laban sa Kataastaasan sa ilang.
18 At kanilang tinukso ang Dios sa kanilang puso, sa paghingi ng pagkain sa kanilang pita.
19 Oo, sila'y nagsalita laban sa Dios; kanilang sinabi, Makapaghahanda ba ang Dios ng dulang sa ilang?
20 Narito, kaniyang pinalo ang bato, na ang mga tubig ay bumubuluwak, at mga bukal ay nagsisiapaw; makapagbibigay ba siya ng tinapay naman? Ipaghahanda ba niya ng karne ang kaniyang bayan?
21 Kaya't narinig ng Panginoon, at napoot: at isang apoy ay nagalab laban sa Jacob, at galit naman ay napailanglang laban sa Israel;
22 Sapagka't sila'y hindi nagsisampalataya sa Dios, at hindi nagsitiwala sa kaniyang pagliligtas.
23 Gayon ma'y nagutos siya sa mga langit sa itaas, at binuksan ang mga pintuan ng langit;
24 At pinaulanan niya sila ng mana upang makain. At binigyan sila ng trigo ng langit.
25 Kumain ang tao ng tinapay ng makapangyarihan: pinadalhan niya sila ng pagkain hanggang sa nangabusog.
26 Kaniyang pinahihip ang hanging silanganan sa mga langit: at sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan ay pinatnubayan niya ang hanging timugan.
27 Pinaulanan naman niya sila ng karne na parang alabok, at ng mga ibong parang buhangin sa mga dagat:
28 At pinalagpak niya sa gitna ng kanilang kampamento, sa palibot ng kanilang mga tahanan.
29 Sa gayo'y nagsikain sila, at nangabusog na mabuti; at ibinigay niya sa kanila ang kanilang pita.
30 Hindi sila nagsihiwalay sa kanilang pita, ang kanilang pagkain ay nasa kanila pang mga bibig,
31 Nang ang galit ng Dios ay paitaas laban sa kanila, at pumatay sa mga pinakamataba sa kanila, at sinaktan ang mga binata sa Israel.
32 Sa lahat ng ito ay nangagkasala pa sila, at hindi naniwala sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa.
33 Kaya't kaniyang pinaram ang kanilang mga kaarawan sa walang kabuluhan, at ang kanilang mga taon ay sa mga kakilabutan.
34 Nang kaniyang patayin sila, sila'y nangagusisa sa kaniya: at sila'y nagsibalik, at nagsihanap ng tapat sa Dios.
35 At kanilang naalaala na ang Dios ay kanilang malaking bato, at ang Kataastaasang Dios ay kanilang manunubos.
36 Nguni't tinutuya nila siya ng kanilang bibig, at pinagbubulaanan nila siya ng kanilang dila.
37 Sapagka't ang kanilang puso ay hindi matuwid sa kaniya, ni tapat man sila sa kaniyang tipan.
38 Nguni't siya, palibhasa'y puspos ng kaawaan, ay pinatawad ang kanilang kasamaan at hindi sila nilipol: Oo, madalas na inihiwalay ang kaniyang galit, at hindi pinukaw ang buo niyang poot.
39 At naalaala niyang sila'y laman lamang; hanging dumadaan, at hindi bumabalik.
40 Kay dalas na nanghimagsik nila laban sa kaniya sa ilang, at pinapanglaw nila siya sa ilang!
41 At sila'y nagsibalik uli, at tinukso ang Dios, at minungkahi ang Banal ng Israel.
42 Hindi nila inalaala ang kaniyang kamay, ni ang araw man nang kaniyang tubusin sila sa kaaway.
43 Kung paanong kaniyang inilagay ang kaniyang mga tanda sa Egipto, at ang kaniyang mga kababalaghan sa parang ng Zoan;
44 At pinapaging dugo ang kanilang mga ilog, at ang kanilang mga bukal, na anopa't hindi sila makainom.
45 Nagsugo rin siya sa gitna nila ng mga pulutong ng mga bangaw na lumamon sa kanila; at mga palaka, na nagsigiba sa kanila.