7 Oh Dios, nang ikaw ay lumabas sa harap ng iyong bayan, nang ikaw ay lumakad sa ilang; (Selah)
8 Ang lupa ay nayanig, ang mga langit naman ay tumulo sa harapan ng Dios: ang Sinai na yaon ay nayanig sa harapan ng Dios, ng Dios ng Israel.
9 Ikaw, Oh Dios, naglagpak ng saganang ulan, iyong pinatibay ang iyong mana, noong ito'y mahina.
10 Ang iyong kapisanan ay tumahan doon: ikaw, Oh Dios, ipinaghanda mo ng iyong kabutihan ang dukha.
11 Nagbibigay ng salita ang Panginoon: ang mga babaing nangaghahayag ng mga balita ay malaking hukbo.
12 Mga hari ng mga hukbo ay nagsisitakas, sila'y nagsisitakas: at nangamamahagi ng samsam ang naiwan sa bahay.
13 Mahihiga ba kayo sa gitna ng mga kulungan ng mga kawan, na parang mga pakpak ng kalapati na natatakpan ng pilak, at ng kaniyang balahibo ng gintong madilaw?
14 Nang ang Makapangyarihan sa lahat ay magkalat ng mga hari roon, ay tila nagka nieve sa Salmon.
15 Bundok ng Dios ay ang bundok ng Basan; mataas na bundok ang bundok ng Basan.
16 Bakit kayo'y nagsisiirap, kayong matataas na mga bundok, sa bundok na ninasa ng Dios na maging kaniyang tahanan? Oo, tatahan doon ang Panginoon magpakailan man.
17 Ang mga karo ng Dios ay dalawang pung libo sa makatuwid baga'y libolibo: ang Panginoon ay nasa gitna nila, kung paano sa Sinai, gayon sa santuario.
18 Sumampa ka sa mataas, pinatnubayan mo ang iyong bihag sa pagkabihag; tumanggap ka ng mga kaloob sa gitna ng mga tao, Oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong Dios.
19 Purihin ang Panginoon na nagpapasan araw-araw ng aming pasan, sa makatuwid baga'y ang Dios na siyang aming kaligtasan. (Selah)