Text copied!
Bibles in Tagalog

Mga Awit 44:1-14 in Tagalog

Help us?

Mga Awit 44:1-14 in Ang Dating Biblia (1905)

1 Narinig namin ng aming mga pakinig, Oh Dios, isinaysay sa amin ng aming mga magulang, kung anong gawa ang iyong ginawa sa kanilang mga kaarawan, ng mga kaarawan ng una.
2 Iyong itinaboy ng iyong kamay ang mga bansa, nguni't itinatag mo sila; iyong dinalamhati ang mga bayan, nguni't iyong pinangalat sila.
3 Sapagka't hindi nila tinamo ang lupain na pinakaari sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak, ni iniligtas man sila ng kanilang sariling kamay: kundi ng iyong kanan, at ng iyong bisig, at ng liwanag ng iyong mukha, sapagka't iyong nilingap sila.
4 Ikaw ang aking Hari, Oh Dios: magutos ka ng kaligtasan sa Jacob.
5 Dahil sa iyo'y itutulak namin ang aming mga kaaway: sa iyong pangalan ay yayapakan namin sila na nagsisibangon laban sa amin.
6 Sapagka't hindi ako titiwala sa aking busog, ni ililigtas man ako ng aking tabak.
7 Nguni't iniligtas mo kami sa aming mga kaaway, at inilagay mo sila sa kahihiyan na nangagtatanim sa amin.
8 Sa Dios ay naghahambog kami buong araw, at mangagpapasalamat kami sa iyong pangalan magpakailan man. (Selah)
9 Nguni't ngayo'y itinakuwil mo kami, at inilagay mo kami sa kasiraang puri; at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.
10 Iyong pinatatalikod kami sa kaaway: at silang nangagtatanim sa amin ay nagsisisamsam ng sa ganang kanilang sarili.
11 Iyong ibinigay kaming gaya ng mga tupa na pinaka pagkain; at pinangalat mo kami sa mga bansa.
12 Iyong ipinagbibili ang iyong bayan na walang bayad, at hindi mo pinalago ang iyong kayamanan sa pamamagitan ng kanilang halaga.
13 Ginawa mo kaming katuyaan sa aming mga kapuwa, isang kasabihan at kadustaan nila na nangasa palibot namin.
14 Iyong ginawa kaming kawikaan sa gitna ng mga bansa, at kaugaan ng ulo sa gitna ng mga bayan.
Mga Awit 44 in Ang Dating Biblia (1905)

Mga Awit 44:1-14 in Banal na Bibliya

1 Narinig ng aming mga tainga, O Diyos, ang sinabi ng aming mga ninuno sa amin tungkol sa ginawa mo sa kanilang mga araw, noong unang panahon.
2 Pinalayas mo ang mga bansa gamit ang iyong kamay, pero itinanim mo ang aming bayan; pinahirapan mo ang mga tao, pero ikinalat mo ang aming bayan sa buong lupain.
3 Dahil hindi nila nakuha ang lupain para maging ari-arian nila sa pamamagitan ng sarili nilang espada; ni ang kanilang sandata ang nagligtas sa kanila; kundi ang iyong kanang kamay, ang iyong bisig at ang ningning ng iyong mukha, dahil sinang-ayunan mo sila.
4 O Diyos, ikaw ang aking hari; pamahalaan mo ang tagumpay para kay Jacob.
5 Sa pamamagitan mo, ibabagsak namin ang aming mga kalaban; sa pamamagitan ng iyong pangalan, tatapakan namin silang mga tumitindig laban sa amin.
6 Dahil hindi ako nagtitiwala sa aking pana, ni sa aking espada na ililigtas ako.
7 Pero iniligtas mo kami mula sa aming mga kalaban at inilagay sa kahihiyan ang mga napopoot sa amin.
8 Ang Diyos ang aming ipinagmamalaki buong araw, at magpapasalamat kami sa iyong pangalan magpakailanman. Selah
9 Pero ngayon, kami ay iyong itinapon, at dinala kami sa kahihiyan, at hindi mo na sinasamahan ang aming mga hukbo.
10 Pinaatras mo kami mula sa aming kalaban; at ang mga napopoot sa amin ay kinamkam ang yaman para sa kanilang mga sarili.
11 Ginawa mo kaming tulad ng tupa na nakalaan para kainin at ikinalat kami sa mga bansa.
12 Ipinagbili mo ang iyong bayan para sa wala; hindi mo napalago ang iyong kayamanan sa paggawa nito.
13 Ginagawa mo kaming katawa-tawa sa aming mga kapwa, hinamak at kinutya kami ng mga taong nakapaligid sa amin.
14 Ginagawa mo kaming isang panlalait sa kalagitnaan ng mga bansa, isang pag-iiling sa kalagitnaan ng mga tao.
Mga Awit 44 in Banal na Bibliya