Text copied!
Bibles in Tagalog

Mga Awit 37:8-21 in Tagalog

Help us?

Mga Awit 37:8-21 in Ang Dating Biblia (1905)

8 Maglikat ka ng pagkagalit, at bayaan mo ang poot: huwag kang mabalisa, iya'y maghahatid lamang sa paggawa ng kasamaan.
9 Sapagka't ang mga manggagawa ng kasamaan ay mangahihiwalay: nguni't yaong nagsipaghintay sa Panginoon, ay mangagmamana sila ng lupain.
10 Sapagka't sangdali na lamang, at ang masama ay mawawala na: Oo, iyong uusisaing mainam ang kaniyang dako, at siya'y mawawala na.
11 Nguni't ang maamo ay magmamana ng lupain, at masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.
12 Ang masama ay kumakatha laban sa ganap, at pinagngangalit sa kaniya ang kaniyang mga ngipin.
13 Tatawanan siya ng Panginoon: sapagka't kaniyang nakikita na ang kaniyang kaarawan ay dumarating.
14 Hinugot ng masama ang tabak, at inihanda ang kanilang busog: upang ilugmok ang dukha at mapagkailangan, upang patayin ang matuwid sa paglakad:
15 Ang kanilang tabak ay masasaksak sa kanilang sariling puso, at ang kanilang busog ay mababali.
16 Mainam ang kaunti na tinatangkilik ng matuwid, kay sa kasaganaan ng maraming masama.
17 Sapagka't ang mga bisig ng masasama ay mangababali: nguni't inaalalayan ng Panginoon ang matuwid.
18 Nalalaman ng Panginoon ang kaarawan ng sakdal: at ang kanilang mana ay magiging sa magpakailan man.
19 Hindi sila mangapapahiya sa panahon ng kasamaan: at sa mga kaarawan ng kagutom ay mangabubusog sila.
20 Nguni't ang masama ay mamamatay, at ang mga kaaway ng Panginoon ay magiging gaya ng taba ng mga kordero: sila'y mangapupugnaw: sa usok mangapupugnaw sila.
21 Ang masama ay humihiram, at hindi nagsasauli: nguni't ang matuwid ay nahahabag, at nagbibigay.
Mga Awit 37 in Ang Dating Biblia (1905)

Mga Awit 37:8-21 in Banal na Bibliya

8 Huwag kang magalit at madismaya. Huwag kang mag-alala, ito ay gumagawa lamang ng problema.
9 Ang mga mapaggawa ng kasamaan ay aalisin, pero ang mga naghihintay kay Yahweh ay magmamana ng lupain.
10 Sa maikling panahon ang masama ay mawawala, mamamasdan mo ang kaniyang kinalulugaran, pero siya ay mawawala.
11 Pero ang mapagkumbaba ay mamanahin ang lupain at magagalak sa lubos na kasaganahan.
12 Ang makasalanan ay nagbabalak laban sa matuwid at nginangalit ang kaniyang ngipin laban sa kaniya.
13 Ang Panginoon ay tinatawanan siya, dahil nakikita niya na ang kaniyang araw ay parating na.
14 Binunot ng masama ang kanilang mga espada at binaluktot ang kanilang mga pana para ilugmok ang mga naaapi at nangangailangan, para patayin ang mga matuwid.
15 Ang kanilang mga espada ang sasaksak sa kanilang mga puso, at ang kanilang mga pana ay masisira.
16 Mas mabuti ang kaunti na mayroon ang matuwid kaysa sa kasaganahan ng masasama.
17 Dahil ang mga bisig ng masasama ay mababali, pero si Yahweh ang sumusuporta sa mga matutuwid.
18 Binabantayan ni Yahweh ang mga walang kasalanan araw-araw, at ang kanilang mana ay mananatili magpakailanman.
19 Hindi sila mahihiya sa panahon ng problema. Sa panahon na dumating ang taggutom, sila ay may sapat na kakainin.
20 Pero ang masasama ay mamamatay. Ang mga kaaway ni Yahweh ay magiging tulad ng kasaganahan ng mga pastulan; sila ay mawawala at maglalaho sa usok.
21 Ang masama ay nangungutang pero hindi nagbabayad, pero ang matuwid ay mapagbigay at nagbibigay.
Mga Awit 37 in Banal na Bibliya