Text copied!
Bibles in Tagalog

Mga Awit 31:3-13 in Tagalog

Help us?

Mga Awit 31:3-13 in Ang Dating Biblia (1905)

3 Sapagka't ikaw ang aking malaking bato, at aking kuta; alangalang nga sa iyong pangalan ay pangunahan mo ako, at patnubayan mo ako.
4 Hugutin mo ako sa silo na kanilang inilagay na lihim ukol sa akin; sapagka't ikaw ang aking katibayan.
5 Sa iyong kamay ay inihabilin ko ang aking diwa; iyong tinubos ako, Oh Panginoon, ikaw na Dios ng katotohanan.
6 Aking pinagtataniman ang nangagmamasid ng mga walang kabuluhang karayaan: nguni't tumitiwala ako sa Panginoon.
7 Ako'y matutuwa at magagalak sa iyong kagandahang-loob: sapagka't iyong nakita ang aking kadalamhatian: iyong nakilala ang aking kaluluwa sa mga kasakunaan:
8 At hindi mo kinulong sa kamay ng kaaway; iyong inilagay ang aking mga paa sa maluwag na dako.
9 Maawa ka sa akin, Oh Panginoon, sapagka't ako'y nasa kahirapan: ang aking mata ay namumugto sa kapanglawan, oo, ang aking kaluluwa, at aking katawan.
10 Sapagka't ang aking buhay ay napupugnaw sa kapanglawan, at ang aking mga taon ay sa pagbubuntong hininga: ang aking lakas ay nanglulupaypay dahil sa aking kasamaan, at ang aking mga buto ay nangangatog.
11 Dahil sa lahat ng aking mga kaaway ay naging kaduwahagihan ako, Oo, lubha nga sa aking mga kapuwa, at takot sa aking mga kakilala: silang nangakakita sa akin sa labas ay tinakasan ako.
12 Ako'y nilimot sa pagiisip na parang patay na tao: Ako'y parang basag na sisidlan.
13 Sapagka't aking narinig ang paninirang puri ng marami, kakilabutan sa bawa't dako. Samantalang sila'y nagsasangguniang magkakasama laban sa akin, kanilang pinagsisikapang alisin ang aking buhay.
Mga Awit 31 in Ang Dating Biblia (1905)

Mga Awit 31:3-13 in Banal na Bibliya

3 Dahil ikaw ang aking bato at aking tanggulan; alang-alang sa iyong pangalan, gabayan at patnubayan mo ako.
4 Kunin mo ako sa lambat na kanilang ikinubli para sa akin, dahil ikaw ang aking kanlungan.
5 Ipinagkakatiwala ko sa iyong mga kamay ang aking espiritu; tutubusin mo ako, Yahweh, Diyos ng katapatan.
6 Kinamumuhian ko ang mga naglilingkod sa mga walang kwentang diyos-diyosan, pero nagtitiwala ako kay Yahweh.
7 Matutuwa ako at magagalak sa iyong katapatan sa tipan, dahil nakita mo ang aking kapighatian; alam mo ang pagkabalisa ng aking kaluluwa.
8 Hindi mo ako isinuko sa aking mga kaaway. Inilagay mo ang aking mga paa sa isang malawak na lugar.
9 Maawa ka sa akin, Yahweh, dahil ako ay nasa kahirapan; ang aking mga mata ay napapagod sa kalungkutan kasama ang aking kaluluwa at aking katawan.
10 Dahil ang aking buhay ay pagod sa kalungkutan at ang mga taon ko na puro daing. Ang aking lakas ay nabibigo dahil sa aking kasalanan, at ang aking mga buto ay unti-unting nanghihina.
11 Dahil sa lahat ng aking mga kaaway, hinahamak ako ng mga tao; ang aking mga kapitbahay ay nangingilabot dahil sa aking kalagayan, at mga taong nakakakilala sa akin ay nangangamba. Ang mga nakakakita sa akin sa kalye ay tumatakbo palayo sa akin.
12 Nilimot ako na parang patay na walang sinuman ang nakakaalala. Ako ay tulad ng isang basag na palayok.
13 Dahil aking narinig ang bulong-bulungan ng nakararami, nakakasindak na balita mula sa lahat ng dako habang ang mga iba ay parang nagpaplano na magkakasama laban sa akin. Sila ay nagpaplanong kunin ang aking buhay.
Mga Awit 31 in Banal na Bibliya