Text copied!
Bibles in Tagalog

Mga Awit 18:7-49 in Tagalog

Help us?

Mga Awit 18:7-49 in Ang Dating Biblia (1905)

7 Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa, ang mga patibayan naman ng mga bundok ay nakilos, at nauga, sapagka't siya'y napoot.
8 Napailanglang ang usok mula sa kaniyang mga butas ng ilong, at apoy na mula sa kaniyang bibig ay sumupok: mga baga ay nangagalab sa pamamagitan niyaon.
9 Kaniya namang iniyuko ang mga langit, at ibinaba; at salimuot na kadiliman ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa.
10 At siya'y sumakay sa isang querubin, at lumipad: Oo, siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niya ang kadiliman na kaniyang kublihang dako, ang kaniyang kulandong sa buong palibot niya; mga kadiliman ng tubig, masinsing mga alapaap sa langit.
12 Sa kakinangan sa harap niya ay dumaan ang kaniyang mga masinsing alapaap, mga granizo at mga bagang apoy.
13 Ang Panginoon naman ay kumulog sa mga langit, at pinatunog ng Kataastaasan ang kaniyang tinig; mga granizo, at mga bagang apoy.
14 At kaniyang inihilagpos ang kaniyang mga pana, at pinapangalat sila; Oo, mga kidlat na di masayod at ginulo sila.
15 Nang magkagayo'y nagsilitaw ang mga lagusan ng tubig, at ang mga patibayan ng sanglibutan ay nangahubdan, sa iyong pagsaway, Oh Panginoon, sa hihip ng hinga ng iyong mga butas ng ilong.
16 Siya'y nagsugo mula sa itaas, kinuha niya ako; sinagip niya ako sa maraming tubig.
17 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway, At sa mga nangagtatanim sa akin, sapagka't sila'y totoong makapangyarihan sa ganang akin.
18 Sila'y nagsidating sa akin sa kaarawan ng aking kasakunaan, nguni't ang Panginoon ay siyang aking gabay.
19 Inilabas naman niya ako sa maluwag na dako; iniligtas niya ako, sapagka't siya'y nalulugod sa akin.
20 Ginanting-pala ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran; ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ay ginanting-pala niya ako.
21 Sapagka't aking iningatan ang mga daan ng Panginoon, at hindi ako humiwalay ng masama sa aking Dios.
22 Sapagka't lahat niyang mga kahatulan ay nangasa harap ko, at hindi ko inihiwalay ang kaniyang mga palatuntunan sa akin.
23 Ako rin nama'y sakdal sa kaniya, at ako'y nagingat ng aking sarili sa aking kasamaan.
24 Kaya't ginanting-pala ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran, ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kaniyang paningin.
25 Sa mahabagin ay pakikilala kang mahabagin; sa sakdal na tao ay pakikilala kang sakdal;
26 Sa dalisay ay pakikilala kang dalisay; at sa matigas na loob ay pakikilala kang mapagmatigas.
27 Sapagka't iyong ililigtas ang napipighating bayan: nguni't ang mga mapagmataas na mata ay iyong ibababa.
28 Sapagka't iyong papagniningasin ang aking ilawan; liliwanagan ng Panginoon kong Dios ang aking kadiliman.
29 Sapagka't sa pamamagitan mo ay dadaluhungin ko ang isang hukbo; at sa pamamagitan ng aking Dios ay lulukso ako sa kuta.
30 Tungkol sa Dios ang kaniyang lakad ay sakdal: ang salita ng Panginoon ay subok; siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kaniya,
31 Sapagka't sino ang Dios, liban sa Panginoon? At sino ang malaking bato maliban sa ating Dios?
32 Ang Dios na nagbibigkis sa akin ng kalakasan, at nagpapasakdal sa aking lakad.
33 Kaniyang ginagawa ang aking mga paa na gaya ng mga paa ng mga usa: at inilalagay niya ako sa aking mga mataas na dako.
34 Kaniyang tinuturuan ang aking mga kamay na makipagdigma, na anopa't ang aking mga kamay ay bumabali ng busog na tanso.
35 Iyo namang ibinigay sa akin ang kalasag na iyong pangligtas: at inalalayan ako ng iyong kanan, at pinadakila ako ng iyong kahinahunan.
36 Iyong pinalaki ang aking mga hakbang sa ilalim ko, at ang aking mga paa ay hindi nangadulas.
37 Aking hahabulin ang aking mga kaaway, at aabutan ko sila: hindi man ako babalik hanggang sa sila'y malipol.
38 Aking sasaktan sila, na anopa't sila'y huwag makatayo: sila'y mangalulugmok sa ilalim ng aking mga paa.
39 Sapagka't iyong binigkisan ako ng kalakasan sa pagbabaka: iyong pinasuko sa akin yaong nagsisibangon laban sa akin.
40 Iyo rin namang pinatatalikod sa akin ang aking mga kaaway, upang aking maihiwalay silang nangagtatanim sa akin.
41 Sila'y nagsihiyaw, nguni't walang magligtas: pati sa Panginoon, nguni't hindi niya sinagot sila.
42 Nang magkagayo'y aking dinurog sila na gaya ng alabok sa harap ng hangin: aking inihagis sila na gaya ng putik sa mga lansangan.
43 Iniligtas mo ako sa mga pakikipagtalo sa bayan; iyong ginawa ako na pangulo ng mga bansa: isang bayan na hindi ko nakilala ay maglilingkod sa akin.
44 Pagkarinig nila sa akin ay tatalimahin nila ako; ang mga taga ibang lupa ay magsisisuko sa akin.
45 Ang mga taga ibang lupa ay manganghihiluka, at sila'y magsisilabas na nanganginginig mula sa kanilang mga taguang dako.
46 Mabuhay nawa ang Panginoon at maging mapalad nawa ang aking malaking bato; at dakilain ang Dios ng aking kaligtasan:
47 Sa makatuwid baga'y ang Dios na ipinanghihiganti ako, at nagpapasuko ng mga bayan sa akin.
48 Kaniyang inililigtas ako sa aking mga kaaway: Oo, itinataas mo ako sa nagsisibangon laban sa akin: iyong inililigtas ako sa mangdadahas na tao.
49 Kaya't ako'y magpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bansa, at aawit ako ng mga pagpupuri sa iyong pangalan.
Mga Awit 18 in Ang Dating Biblia (1905)

Mga Awit 18:7-49 in Banal na Bibliya

7 Kaya nayugyog at nayanig ang lupa; maging ang mga pundasyon ng mga bundok, nayanig at nayugyog dahil nagalit ang Diyos.
8 Umangat ang usok na lumabas mula sa kaniyang ilong, at naglalagablab na apoy ang lumabas mula sa kaniyang bibig. Nagbaga ang mga uling dahil dito.
9 Binuksan niya ang kalangitan at siya ay bumaba, at makapal na kadiliman ay nasa ilalim na kaniyang paanan.
10 Sumakay siya sa isang anghel at lumipad; pumagaspas siya sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niyang tolda sa kaniyang paligid ang kadiliman, mabigat na mga ulap-ulan sa kalangitan.
12 Mula sa kidlat sa kaniyang harapan, bumagsak ang mga yelo at nag-aapoy na uling.
13 Dumagundong si Yahweh sa mga kalangitan! Ang Kataas-taasan ay sumigaw at nagpadala ng mga yelo at kidlat.
14 Pinana at ikinalat niya ang kaniyang mga kaaway; pinaghiwa-hiwalay sila ng maraming kidlat.
15 Pagkatapos, ang daluyan ng mga tubig ay lumitaw; ang mga pundasyon ng mundo ay nahayag sa iyong sigaw na pandigma, O Yahweh—sa pagbuga ng hininga ng iyong ilong.
16 Bumaba siya mula sa itaas; hinawakan niya ako! Iniahon niya ako mula sa rumaragasang tubig.
17 Sinagip niya ako mula sa aking malakas na kalaban, mula sa mga namumuhi sa akin, dahil sila ay higit na malakas kaysa sa akin.
18 Sinugod nila ako sa araw ng aking pagdadalamhati pero si Yahweh ang aking tagapagtanggol!
19 Pinalaya niya ako tungo sa isang malawak na lugar; iniligtas niya ako dahil siya ay nalulugod sa akin.
20 Ginantimpalaan ako ni Yahweh dahil sa aking katuwiran; tinulungan niya akong bumangon dahil ang aking mga kamay ay malinis.
21 Dahil pinanatili ko ang mga pamamaraan ni Yahweh at hindi tumalikod sa aking Diyos patungo sa kasamaan.
22 Dahil ang lahat ng kaniyang makatuwirang mga kautusan ay nanguna sa akin; maging sa kaniyang mga alintuntunin, hindi ako tumalikod.
23 Nanatili akong walang-sala sa kaniyang harapan, at lumayo ako mula sa kasalanan.
24 Kaya tinulungan akong bumangon ni Yahweh dahil sa aking katuwiran, dahil ang aking mga kamay ay malinis sa kaniyang paningin.
25 Sa sinumang tapat, ipakita mo na ikaw ay tapat; sa taong walang-sala, ipakita mo na ikaw ay walang-sala.
26 Sa sinumang dalisay, ipakita mo na ikaw ay dalisay; pero ikaw ay tuso sa sinumang baluktot.
27 Dahil nililigtas mo ang mga hinahamak, pero ibinabagsak mo ang lahat ng nagyayabang, ang mapagmataas na mga mata!
28 Dahil nagbibigay ka ng liwanag sa aking ilawan; si Yahweh na aking Diyos ang nagbibigay liwanag sa aking kadiliman.
29 Sa pamamagitan mo, kaya kong lampasan ang isang barikada; sa pamamagitan ng aking Diyos, kaya kong talunan ang isang pader.
30 Patungkol sa Diyos: ang kaniyang pamamaraan ay ganap. Ang salita ni Yahweh ay dalisay! Siya ang panangga sa sinumang kumukubli sa kaniya.
31 Dahil sino ang Diyos maliban kay Yahweh? Sino ang bato maliban sa ating Diyos?
32 Ang Diyos ang nagbibigay ng lakas sa akin tulad ng isang sinturon, na nagdadala sa isang matuwid na tao sa kaniyang landas.
33 Pinabibilis niya ang aking mga paa na parang isang usa at inilalagay niya ako sa kabundukan!
34 Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa digmaan at ang aking mga braso para matutong gumamit ng tansong pana.
35 Ibinigay mo sa akin ang panangga ng iyong kaligtasan. Ang iyong kanang kamay ay sumusuporta sa akin, at ang pabor mo ay ginawa akong tanyag.
36 Gumawa ka ng isang malawak na lugar para sa aking paanan sa ilalim kaya ang aking paanan ay hindi lumihis.
37 Hinabol ko ang aking mga kaaway at hinuli ko sila; hindi ako tumalikod hangga't hindi sila nawawasak.
38 Hinambalos ko sila hangga't hindi na nila kayang bumangon; bumagsak sila sa ilalim ng aking paanan.
39 Dahil binigyan mo ako ng lakas tulad ng sinturon para sa digmaan; inilagay mo ako sa ilalim ng mga nag-aalsa laban sa akin.
40 Ibinigay mo sa akin ang batok ng aking mga kaaway; nilipol ko lahat ng namumuhi sa akin.
41 Humingi sila ng tulong pero walang sumagip sa kanila; tumawag sila kay Yahweh, pero hindi niya sila pinakinggan.
42 Dinurog ko sila tulad ng alikabok sa hangin; itinapon ko sila tulad ng putik sa kalsada.
43 Iniligtas mo ako mula sa pagtatalo ng mga tao. Ginawa mo akong pinuno sa lahat ng bansa. Mga taong hindi ko kilala ay naglingkod sa akin.
44 Sa oras na narinig nila ako, sumunod sila sa akin; ang mga dayuhan ay napilitang yumuko sa akin.
45 Ang mga dayuhan ay dumating na nanginginig mula sa kanilang mga tanggulan.
46 Buhay si Yahweh; nawa ang aking bato ay purihin. Nawa ang Diyos ng aking kaligtasan ay maitaas.
47 Ito ang Diyos na naghihiganti para sa akin, ang nagdudulot sa mga bayan na sumailalim sa akin.
48 Napalaya ako mula sa aking mga kaaway! Totoo, itinaas mo ako nang higit sa mga tumuligsa sa akin. Iniligtas mo ako mula sa mga marahas na kalalakihan.
49 Kaya magpapasalamat ako sa iyo, O Yahweh, sa lahat ng bansa; aawit ako ng mga papuri sa iyong pangalan!
Mga Awit 18 in Banal na Bibliya