39 Alisin mo ang aking kadustaan na aking kinatatakutan: sapagka't ang mga kahatulan mo'y mabuti.
40 Narito, ako'y nanabik sa iyong mga tuntunin; buhayin mo ako sa iyong katuwiran.
41 Padatingin mo rin sa akin ang iyong mga kagandahang-loob, Oh Panginoon, sa makatuwid baga'y ang iyong kaligtasan, ayon sa iyong salita.
42 Sa gayo'y magkakaroon ako ng kasagutan sa kaniya na dumuduwahagi sa akin; sapagka't ako'y tumitiwala sa iyong salita.
43 At huwag mong lubos na kunin ang salita ng katotohanan sa aking bibig; sapagka't ako'y umasa sa iyong mga kahatulan.
44 Gayon ko susundin ang iyong kautusan na palagi magpakailan-kailan pa man.
45 At lalakad ako sa kalayaan; sapagka't aking hinanap ang iyong mga tuntunin.
46 Ako nama'y magsasalita ng iyong mga patotoo sa harap ng mga hari, at hindi ako mapapahiya.
47 At ako'y maaaliw sa iyong mga utos, na aking iniibig.
48 Akin namang itataas ang aking mga kamay sa iyong mga utos, na aking inibig; at ako'y magbubulay sa iyong mga palatuntunan.
49 Iyong alalahanin ang salita sa iyong lingkod, na doo'y iyong pinaasa ako.
50 Ito'y aking kaaliwan sa aking pagkapighati: sapagka't binuhay ako ng iyong salita.
51 Ang palalo ay dumuwahaging mainam sa akin: gayon ma'y hindi ako hihiwalay sa iyong kautusan.
52 Aking inalaala ang mga kahatulan mo ng una, Oh Panginoon, at ako'y nagaliw sa sarili.
53 Maalab na galit ang humawak sa akin, dahil sa masama na nagpabaya ng iyong kautusan.
54 Ang iyong mga palatuntunan ay naging aking mga awit sa bahay ng aking pangingibang bayan.
55 Aking inalaala sa gabi ang pangalan mo, Oh Panginoon, at sinunod ko ang iyong kautusan.
56 Ito ang tinamo ko, sapagka't aking iningatan ang mga tuntunin mo.
57 Ang Panginoon ay aking bahagi: aking sinabi na aking tutuparin ang iyong mga salita.
58 Aking hiniling ang iyong biyaya ng aking buong puso: magmahabagin ka sa akin ayon sa iyong salita.
59 Ako'y nagiisip sa aking mga lakad, at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo.
60 Ako'y nagmadali, at hindi ako nagmakupad, na sundin ang iyong mga utos.
61 Pinuluputan ako ng mga panali ng masama; nguni't hindi ko nilimot ang iyong kautusan.
62 Sa hating gabi ay babangon ako upang magpasalamat sa iyo, dahil sa iyong mga matuwid na kahatulan.
63 Ako'y kasama ng lahat na nangatatakot sa iyo, at ng nagsisitupad ng iyong mga tuntunin.
64 Ang lupa, Oh Panginoon, ay puno ng iyong kagandahang-loob: ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita.
66 Turuan mo ako ng mabuting kahatulan at kaalaman; sapagka't ako'y sumampalataya sa iyong mga utos.
67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako; nguni't ngayo'y tinutupad ko ang iyong salita.