Text copied!
Bibles in Tagalog

Marcos 8:10-27 in Tagalog

Help us?

Marcos 8:10-27 in Ang Dating Biblia (1905)

10 At pagdaka'y lumulan siya sa daong na kasama ang kaniyang mga alagad, at napasa mga sakop ng Dalmanuta.
11 At nagsilabas ang mga Fariseo, at nangagpasimulang makipagtalo sa kaniya, na hinahanapan siya ng isang tandang mula sa langit, na tinutukso siya.
12 At nagbuntong-hininga siya ng malalim sa kaniyang espiritu, at nagsabi, Bakit humahanap ng tanda ang lahing ito? katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang tandang ibibigay sa lahing ito.
13 At sila'y iniwan niya, at muling pagkalulan sa daong ay tumawid sa kabilang ibayo.
14 At nangalimutan nilang magsipagdala ng tinapay; at wala sila kundi isang tinapay sa daong.
15 At ipinagbilin niya sa kanila, na nagsabi, Tingnan ninyo, mangagingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo at sa lebadura ni Herodes.
16 At nangagkatuwiranan sila-sila rin, na nangagsasabi, Wala tayong tinapay.
17 At pagkahalata nito ni Jesus ay sinabi sa kanila, Bakit nangagbubulaybulay kayo, sapagka't wala kayong tinapay? hindi pa baga ninyo napaghahalata, ni napaguunawa man? nangagmatigas na baga ang inyong puso?
18 Mayroon kayong mga mata, hindi baga kayo nangakakakita? at mayroon kayong mga tainga, hindi baga kayo nangakakarinig? at hindi baga ninyo nangaaalaala?
19 Nang aking pagputolputulin ang limang tinapay sa limang libong lalake, ilang bakol na puno ng mga pinagputolputol ang inyong binuhat? Sinabi nila sa kaniya, Labingdalawa.
20 At nang pagputolputulin ang pitong tinapay sa apat na libo, ilang bakol na puno ng mga pinagputolputol ang binuhat ninyo? At sinabi nila sa kaniya, Pito.
21 At sinabi niya sa kanila, Hindi pa baga ninyo napaguunawa?
22 At nagsidating sila sa Betsaida. At dinala nila sa kaniya ang isang lalaking bulag, at ipinamanhik sa kaniya na siya'y hipuin.
23 At hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag, at dinala niya sa labas ng nayon; at nang maluraan ang kaniyang mga mata, at maipatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya, ay kaniyang tinanong siya, Nakakakita ka baga ng anoman?
24 At siya'y tumingala, at nagsabi, Nakakakita ako ng mga tao; sapagka't namamasdan ko silang tulad sa mga punong kahoy, na nagsisilakad.
25 Saka ipinatong na muli sa kaniyang mga mata ang mga kamay niya; at siya'y tumitig, at gumaling, at nakita niyang maliwanag ang lahat ng mga bagay.
26 At pinauwi niya siya sa kaniyang tahanan, na sinasabi, Huwag kang pumasok kahit sa nayon.
27 At pumaroon si Jesus, at ang kaniyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea ni Filipo: at sa daan ay itinanong niya sa kaniyang mga alagad, na sinabi sa kanila, Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ako?
Marcos 8 in Ang Dating Biblia (1905)

Marcos 8:10-27 in Banal na Bibliya

10 Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kaniyang mga alagad at pumunta sila sa rehiyon ng Dalmanuta.
11 At pumunta ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo sa kaniya. Humingi sila sa kaniya ng palatandaan mula sa langit upang subukin siya.
12 Napabuntong-hininga siya sa kaniyang espiritu at kaniyang sinabi, “Bakit naghahanap ng palatandaan ang salinlahing ito? Totoong sinasabi ko sa inyo, walang palatandaang ibibigay sa salinlahing ito.”
13 Pagkatapos ay iniwan sila ni Jesus, muling sumakay sa bangka, at pumunta sa kabilang dako.
14 Ngayon nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay. Mayroon lamang silang natitirang isang tinapay sa bangka.
15 Binalaan niya sila at sinabi, “Magmasid kayo at magbantay laban sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.”
16 Nangatwiran ang mga alagad sa isa't isa, “Ito ay dahil wala tayong tinapay.”
17 Batid ito ni Jesus, at sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ipinangangatwirang wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nababatid? Hindi ba ninyo nauunawaan? Naging tigang na ba ang inyong mga puso?
18 Mayroon kayong mga mata, hindi ba ninyo nakikita? Mayroon kayong mga tainga, hindi ba ninyo naririnig? Hindi pa rin ba ninyo naaalala?
19 Nang hinati ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket ang inyong napuno ng mga hinati-hating tinapay?” Sinabi nila sa kaniya, “Labindalawa.”
20 “At nang hinati-hati ko ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang basket ang inyong napuno?” Sinabi nila sa kaniya, “Pito.”
21 Sinabi niya, “Hindi pa rin ba ninyo nauunawaan?”
22 Nakarating sila sa Betsaida. Dinala sa kaniya ng mga tao doon ang isang lalaking bulag at pinakiusapan nila si Jesus na hawakan siya.
23 Inalalayan ni Jesus ang lalaking bulag at dinala siya palabas ng nayon. Nang niluraan niya ang kaniyang mga mata at pinatong ang kaniyang kamay sa kaniya, tinanong niya ito, “May nakikita ka bang anumang bagay?”
24 Tumingin siya at sinabi, “Nakakakita ako ng mga taong parang mga punong naglalakad.”
25 Kaya ipinatong niyang muli ang kaniyang mga kamay sa kaniyang mga mata, at iminulat ng lalaki ang kaniyang mga mata, nanumbalik ang kaniyang paningin, at malinaw niyang nakita ang lahat ng mga bagay.
26 Pinauwi siya ni Jesus sa kaniyang tahanan at sinabi, “Huwag kang papasok sa bayan.”
27 Umalis si Jesus at ang kaniyang mga alagad patungo sa nayon ng Cesarea Filipos. Sa daan tinanong niya ang kaniyang mga alagad, “Sino ako ayon sa mga sinasabi ng mga tao?”
Marcos 8 in Banal na Bibliya