27 At magmula kay Moises at sa lahat ng propeta, ipinaliwanag ni Jesus sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniyang sarili sa lahat ng mga kasulatan.
28 Habang papalapit sila sa nayon, na kanilang pupuntahan, lumakad si Jesus na wari magpapatuloy pa.
29 Ngunit siya ay pinigilan nila, sinasabi, “Manatili ka sa amin, sapagkat malapit nang gumabi at dumidilim na.” Kaya pumasok si Jesus upang tumuloy sa kanila.
30 At nangyari, nang siya ay umupong kasalo nila upang kumain, kinuha niya ang tinapay, at pinagpasalamatan ito, at pinagpira-piraso ito, at ibinigay niya ito sa kanila.
31 Pagkatapos, nabuksan ang kanilang mga mata, at siya ay nakilala nila, at siya ay naglaho sa kanilang paningin.
32 At sinabi nila sa isa't-isa, “Hindi ba umaalab ang ating puso, habang kinakausap niya tayo sa daan, habang binubuksan niya sa atin ang mga Kasulatan?”
33 Tumayo sila sa oras ding iyon, at bumalik sa Jerusalem. Natagpuan nila ang labing-isa na nagtipon-tipon at ang iba pang kasama nila,
34 sinasabi, “Totoo ngang muling nabuhay ang Panginoon, at nagpakita siya kay Simon”.
35 Kaya ikinuwento nila ang nangyari sa daan, at kung paano nila nakilala si Jesus nang pagpira-pirasuhin niya ang tinapay.
36 Habang pinag-uusapan nila ang mga bagay na ito, tumayo si Jesus mismo sa kalagitnaan nila, at sinabi niya sa kanila, “Kapayapaan ay sumainyo.”
37 Ngunit sila ay nasindak at napuno ng takot, at inakala nila na espiritu ang kanilang nakita.
38 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit kayo naguguluhan? Bakit may mga katanungan sa inyong puso?
39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at paa, na ako talaga ito. Hawakan ninyo ako at tingnan ninyo. Sapagkat ang espiritu ay walang buto at laman, gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”
40 Pagkatapos niyang sabihin ito, pinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at paa.
41 Habang sila ay hindi pa rin makapaniwala dahil sa galak, at namangha, sinabi ni Jesus sa kanila, “Mayroon ba kayong anumang makakain?”