22 Ngunit bukod dito, pinamangha kami ng ilan sa mga kababaihang kasamahan namin, na pumunta sa libingan nang maaga.
23 Nang hindi nila nakita ang kaniyang katawan, pumunta sila sa amin, sinasabing may nakita silang pangitain ng mga anghel na nagsabing siya ay buhay.
24 Pumunta sa libingan ang ilan sa mga kalalakihang kasama, at nakita nila ito na gaya ng sinabi ng mga kababaihan. Ngunit hindi nila siya nakita.”
25 Sinabi ni Jesus sa kanila, “O mga lalaking hangal at makukupad ang puso na maniwala sa lahat ng sinabi ng mga propeta!
26 Hindi ba kinakailangang si Cristo ay magdusa ng ganitong mga bagay, at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian?”
27 At magmula kay Moises at sa lahat ng propeta, ipinaliwanag ni Jesus sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniyang sarili sa lahat ng mga kasulatan.
28 Habang papalapit sila sa nayon, na kanilang pupuntahan, lumakad si Jesus na wari magpapatuloy pa.
29 Ngunit siya ay pinigilan nila, sinasabi, “Manatili ka sa amin, sapagkat malapit nang gumabi at dumidilim na.” Kaya pumasok si Jesus upang tumuloy sa kanila.
30 At nangyari, nang siya ay umupong kasalo nila upang kumain, kinuha niya ang tinapay, at pinagpasalamatan ito, at pinagpira-piraso ito, at ibinigay niya ito sa kanila.
31 Pagkatapos, nabuksan ang kanilang mga mata, at siya ay nakilala nila, at siya ay naglaho sa kanilang paningin.
32 At sinabi nila sa isa't-isa, “Hindi ba umaalab ang ating puso, habang kinakausap niya tayo sa daan, habang binubuksan niya sa atin ang mga Kasulatan?”
33 Tumayo sila sa oras ding iyon, at bumalik sa Jerusalem. Natagpuan nila ang labing-isa na nagtipon-tipon at ang iba pang kasama nila,
34 sinasabi, “Totoo ngang muling nabuhay ang Panginoon, at nagpakita siya kay Simon”.
35 Kaya ikinuwento nila ang nangyari sa daan, at kung paano nila nakilala si Jesus nang pagpira-pirasuhin niya ang tinapay.
36 Habang pinag-uusapan nila ang mga bagay na ito, tumayo si Jesus mismo sa kalagitnaan nila, at sinabi niya sa kanila, “Kapayapaan ay sumainyo.”