17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ano ang pinag-uusapan ninyong dalawa habang naglalakad kayo?” Huminto sila na nalulungkot.
18 Isa sa kanila na nagngangalang Cleopas, ang sumagot sa kaniya, “Ikaw lang ba ang tao sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga bagay na nangyayari doon sa mga araw na ito?”
19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Anong mga bagay?” Sumagot sila sa kaniya, “Ang mga bagay tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, na isang propeta, na makapangyarihan sa gawa at salita sa harapan ng Diyos at ng mga tao.
20 At kung papaano siya ibinigay ng mga punong pari at mga pinuno natin upang hatulan ng kamatayan at ipako sa krus.
21 Ngunit umasa kami na siya ang magpapalaya sa Israel. Oo, at maliban pa sa lahat ng ito, pangatlong araw na ngayon mula ng nangyari ang mga bagay na ito.
22 Ngunit bukod dito, pinamangha kami ng ilan sa mga kababaihang kasamahan namin, na pumunta sa libingan nang maaga.
23 Nang hindi nila nakita ang kaniyang katawan, pumunta sila sa amin, sinasabing may nakita silang pangitain ng mga anghel na nagsabing siya ay buhay.
24 Pumunta sa libingan ang ilan sa mga kalalakihang kasama, at nakita nila ito na gaya ng sinabi ng mga kababaihan. Ngunit hindi nila siya nakita.”
25 Sinabi ni Jesus sa kanila, “O mga lalaking hangal at makukupad ang puso na maniwala sa lahat ng sinabi ng mga propeta!
26 Hindi ba kinakailangang si Cristo ay magdusa ng ganitong mga bagay, at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian?”
27 At magmula kay Moises at sa lahat ng propeta, ipinaliwanag ni Jesus sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniyang sarili sa lahat ng mga kasulatan.
28 Habang papalapit sila sa nayon, na kanilang pupuntahan, lumakad si Jesus na wari magpapatuloy pa.
29 Ngunit siya ay pinigilan nila, sinasabi, “Manatili ka sa amin, sapagkat malapit nang gumabi at dumidilim na.” Kaya pumasok si Jesus upang tumuloy sa kanila.
30 At nangyari, nang siya ay umupong kasalo nila upang kumain, kinuha niya ang tinapay, at pinagpasalamatan ito, at pinagpira-piraso ito, at ibinigay niya ito sa kanila.