Text copied!
Bibles in Tagalog

Lucas 22:19-52 in Tagalog

Help us?

Lucas 22:19-52 in Ang Dating Biblia (1905)

19 At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, Ito'y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.
20 Gayon din naman ang saro, pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito'y ang bagong tipan sa aking dugo, na nabubuhos nang dahil sa inyo.
21 Datapuwa't narito, ang kamay ng nagkakanulo sa akin, ay kasalo ko sa dulang.
22 Sapagka't ang Anak ng tao nga ay yayaon, ayon sa itinakda: datapuwa't sa aba niyaong taong nagkakanulo sa kaniya!
23 At sila'y nagpasimulang nangagtanungan sa isa't isa, kung sino sa kanila ang gagawa ng bagay na ito.
24 At nagkaroon naman ng isang pagtatalotalo sa gitna nila, kung sino kaya sa kanila ang ibibilang na pinakadakila.
25 At kaniyang sinabi sa kanila, Ang mga hari ng mga Gentil ay napapanginoon sa kanila; at ang mga may kapamahalaan sa kanila'y tinatawag na mga Tagapagpala.
26 Datapuwa't sa inyo'y hindi gayon: kundi bagkus ang lalong dakila sa inyo ay maging tulad sa lalong bata; at ang nangungulo ay maging gaya ng naglilingkod.
27 Sapagka't alin ang lalong dakila, ang nakaupo baga sa dulang, o ang naglilingkod? hindi baga ang nakaupo sa dulang? datapuwa't ako'y nasa gitna ninyo na gaya niyaong naglilingkod.
28 Datapuwa't kayo ay yaong nagsipanatili sa akin sa mga pagtukso sa akin;
29 At kayo'y inihahalal kong isang kaharian, na gaya nga ng pagkahalal sa akin ng aking Ama,
30 Upang kayo'y magsikain at magsiinom sa aking dulang sa kaharian ko; at kayo'y magsisiupo sa mga luklukan, na inyong huhukuman ang labingdalawang angkan ni Israel.
31 Simon, Simon, narito, hiningi ka ni Satanas upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo:
32 Datapuwa't ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.
33 At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nakatalaga akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.
34 At kaniyang sinabi, Sinasabi ko sa iyo, Pedro, na hindi titilaok ngayon ang manok, hanggang sa ikaila mong makaitlo na ako'y hindi mo nakikilala.
35 At sinabi niya sa kanila, Nang kayo'y suguin ko na walang supot ng salapi, at supot ng pagkain, at mga pangyapak, kinulang baga kayo ng anoman? At kanilang sinabi, Hindi.
36 At sinabi niya sa kanila, Nguni't ngayon, ang mayroong supot ng salapi ay dalhin ito, at gayon din ang supot ng pagkain; at ang wala, ay ipagbili niya ang kaniyang balabal, at bumili ng isang tabak.
37 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kinakailangang matupad sa akin itong nasusulat, At ibinilang siya sa mga suwail: sapagka't ang nauukol sa akin ay may katuparan.
38 At sinabi nila, Panginoon, narito ang dalawang tabak. At sinabi niya sa kanila, Sukat na.
39 At siya'y lumabas, at pumaroon, ayon sa kaniyang kaugalian, sa bundok ng mga Olivo; at nagsisunod naman sa kaniya ang mga alagad.
40 At nang siya'y dumating sa dakong yaon, ay sinabi niya sa kanila, Magsipanalangin kayo nang huwag kayong magsipasok sa tukso.
41 At siya'y humiwalay sa kanila na may agwat na isang itsang bato; at siya'y nanikluhod at nanalangin,
42 Na sinasabi, Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.
43 At napakita sa kaniya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kaniya.
44 At nang siya'y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa.
45 At nang magtindig siya sa kaniyang pananalangin, ay lumapit siya sa mga alagad, at naratnan silang nangatutulog dahil sa hapis,
46 At sinabi sa kanila, Bakit kayo nangatutulog? mangagbangon kayo at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso.
47 Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang karamihan, at siyang tinatawag na Judas, na isa sa labingdalawa, ay nangunguna sa kanila; at siya'y lumapit kay Jesus upang ito'y hagkan.
48 Datapuwa't sinabi ni Jesus sa kaniya, Judas, sa isang halik baga ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng tao?
49 At nang makita ng mga kasama niya ang mangyayari, ay kanilang sinabi, Panginoon, magsisipanaga baga kami ng tabak?
50 At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng dakilang saserdote, at tinigpas ang kanang tainga niya.
51 Datapuwa't sumagot si Jesus, na nagsabi, Pabayaan ninyo sila hanggang dito. At hinipo niya ang tainga ng alipin, at ito'y pinagaling.
52 At sinabi ni Jesus sa mga pangulong saserdote, at sa mga punong kawal sa templo, at sa mga matanda, na nagsidating laban sa kaniya, Kayo'y nagsilabas, na tila laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas?
Lucas 22 in Ang Dating Biblia (1905)

Lucas 22:19-52 in Banal na Bibliya

19 Pagkatapos, kinuha niya ang tinapay at nang makapagpasalamat, hinati-hati niya ito, at ibinigay sa kanila, sinasabi, “Ito ang aking katawan na ibinigay para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.”
20 Kinuha niya ang tasa sa parehong paraan pagkatapos ng hapunan, sinasabi, “Ang tasang ito ang bagong tipan sa aking dugo, na ibinuhos para sa inyo.
21 Ngunit makinig kayo. Ang taong magkakanulo sa akin ay kasama ko ngayon sa hapag.
22 Sapagkat ang Anak ng Tao ay mamamatay ayon sa itinakda. Ngunit sa aba sa taong iyon na magkakanulo sa kaniya!”
23 At nagsimula silang magtanong sa isa't isa, kung sino sa kanila ang gagawa ng bagay na ito.
24 At nagkaroon din ng pagtatalo sa kanila tungkol sa kung sino sa kanila ang itinuturing na pinakadakila.
25 Sinabi niya sa kanila, “Ang mga hari ng mga Gentil ay may kapangyarihang pamunuan sila, at ang mga may kapangyarihan sa kanila ay tinawag na mga pinunong kagalang-galang.
26 Ngunit sa inyo ay hindi dapat maging tulad nito. Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ay maging katulad ng pinakabata. At ang pinakamahalaga sa inyo ay maging katulad ng isang naglilingkod.
27 Sapagkat sino ang mas dakila, ang taong nakaupo sa may hapag o ang siyang naglilingkod? Hindi ba ang taong nakaupo sa may hapag? Bagaman kasama ninyo ako bilang isang naglilingkod.
28 Ngunit kayo ang mga nagpatuloy na kasama ko sa aking mga pagsubok.
29 Ibibigay ko sa inyo ang kaharian, katulad ng aking Ama na nagbigay sa akin ng kaharian,
30 upang kayo ay kumain at uminom sa aking mesa sa aking kaharian. At uupo kayo sa mga trono na hahatol sa labindalawang lipi ng Israel.
31 Simon, Simon, mag-ingat kayo, sapagkat hinihingi kayo ni Satanas upang salain kayo tulad ng trigo.
32 Ngunit ipinanalangin kita, upang hindi humina ang iyong pananampalataya. At pagkatapos mong muling manumbalik, palakasin mo ang iyong mga kapatid.”
33 Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.”
34 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, Pedro, hindi titilaok ang tandang sa araw na ito, bago mo ikaila ng tatlong beses na kilala mo ako.”
35 At sinabi ni Jesus sa kanila. “Nang ipinadala ko kayo na walang pitaka, supot ng mga kakailanganin, o sapatos, nagkulang ba kayo ng kahit na ano?” At sumagot sila, “Hindi.”
36 Kaya sinabi niya sa kanila, “Ngunit ngayon, siya na may pitaka, kunin niya ito, at maging ang supot ng pagkain. Ang walang espada ay dapat ipagbili niya ang kaniyang balabal at bumili ng isa.
37 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, kinakailangang matupad ang nasusulat tungkol sa akin, 'At itinuring siyang isa sa mga lumalabag sa batas.' Sapagkat natutupad na ang pahayag tungkol sa akin.”
38 Kaya sinabi nila, “Panginoon, tingnan mo! Narito ang dalawang espada.” At sinabi niya sa kanila, “Tama na iyan.”
39 Pagkatapos ng hapunan, pumunta si Jesus sa Bundok ng mga Olibo gaya ng madalas niyang ginagawa, at sumunod ang mga alagad sa kaniya.
40 Nang dumating sila, sinabi niya sa kanila, “Ipanalangin ninyo na hindi kayo matukso.”
41 Lumayo siya sa kanila sa di-kalayuan, at lumuhod siya at nanalangin,
42 sinasabi, “Ama, kung nais mo, alisin mo sa akin ang tasang ito. Gayunman, hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban mo ang mangyari.”
43 Pagkatapos, isang anghel mula sa langit ang nagpakita sa kaniya, pinapalakas siya.
44 Sa matinding paghihirap, nanalangin siya nang lalong taimtim, at ang kaniyang pawis ay naging tulad ng malalaking tulo ng dugo na nahuhulog sa lupa.
45 Nang tumayo siya mula sa kaniyang pananalangin, pumunta siya sa kaniyang mga alagad, at nakita niyang natutulog ang mga ito dahil sa kanilang pagdadalamhati,
46 at tinanong sila, “Bakit kayo natutulog?” Bumangon kayo at manalangin, nang hindi kayo pumasok sa tukso.”
47 Habang siya ay nagsasalita, masdan ito, dumating ang maraming tao, kasama si Judas na isa sa Labindalawa na pinangungunahan sila. Lumapit siya kay Jesus upang siya ay halikan,
48 ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, “Judas, ipinagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?”
49 Nang makita ng mga nakapalibot kay Jesus ang nangyayari, sinabi nila, “Panginoon, lulusob na ba kami gamit ang tabak?”
50 At isa sa kanila ang lumusob sa lingkod ng pinakapunong pari, at tinaga ang kaniyang kanang tainga.
51 Sinabi ni Jesus, “Tigilan na ninyo ito.” At hinawakan ni Jesus ang kaniyang tainga at pinagaling siya.
52 Sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga kapitan ng templo, at sa mga nakatatanda na dumating laban sa kaniya. “Nagpunta kayo na tila laban sa isang magnanakaw, na may dalang mga espada at mga pamalo?
Lucas 22 in Banal na Bibliya