Text copied!
Bibles in Tagalog

Lucas 19:15-27 in Tagalog

Help us?

Lucas 19:15-27 in Ang Dating Biblia (1905)

15 At nangyari, na nang siya'y muling magbalik, nang matanggap na ang kaharian, ay ipinatawag niya sa kaniyang harapan ang mga aliping yaon, na binigyan niya ng salapi, upang maalaman niya kung gaano ang kanilang tinubo sa pangangalakal.
16 At dumating sa harapan niya ang una, na nagsasabi, Panginoon, nagtubo ang iyong mina ng sangpung mina pa.
17 At sinabi niya sa kaniya, Mabuting gawa, ikaw na mabuting alipin: sapagka't nagtapat ka sa kakaunti, magkaroon ka ng kapamahalaan sa sangpung bayan.
18 At dumating ang ikalawa, na nagsasabi, Panginoon, nagtubo ang iyong mina ng limang mina.
19 At sinabi niya sa kaniya, Magkaroon ka naman ng kapamahalaan sa limang bayan.
20 At dumating ang iba pa, na nagsasabi, Panginoon, narito ang iyong mina, na aking itinago sa isang panyo:
21 Dahil sa ako'y natakot sa iyo, sapagka't ikaw ay taong mabagsik kinukuha mo ang hindi mo inilagay, at ginagapas mo ang hindi mo inihasik.
22 Sinabi niya sa kaniya, Sa sariling bibig mo kita hinahatulan ikaw na masamang alipin. Nalalaman mo na ako'y taong mabagsik, na kumukuha ng hindi ko inilagay, at gumagapas ng hindi ko inihasik;
23 Kung gayon, bakit hindi mo inilagay ang salapi ko sa bangko, at nang sa aking pagbalik ay mahingi ko yaon pati ng tinubo?
24 At sinabi niya sa mga nahaharap, Alisin ninyo sa kaniya ang mina, at ibigay ninyo sa may sangpung mina.
25 At sinabi nila sa kaniya, Panginoon, siya'y mayroong sangpung mina.
26 Sinasabi ko sa inyo, na bibigyan ang bawa't mayroon; datapuwa't ang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin sa kaniya.
27 Datapuwa't itong aking mga kaaway, na ayaw na ako'y maghari sa kanila, ay dalhin ninyo rito, at patayin ninyo sila sa harapan ko.
Lucas 19 in Ang Dating Biblia (1905)

Lucas 19:15-27 in Banal na Bibliya

15 Nangyari nang siya ay bumalik, natanggap na niya ang kaharian, pinatawag niya ang mga lingkod na binigyan niya ng pera, upang malaman niya kung magkano ang kanilang tinubo sa pagnenegosyo.
16 Ang una ay lumapit sa kaniyang harapan, sinasabi, 'Panginoon, ang iyong mina ay nadagdagan pa ng sampung mina.'
17 Sinabi ng maharlika sa kaniya, 'Magaling, mabuting lingkod. Dahil ikaw ay naging tapat sa kakaunti, ikaw ay magkakaroon ng kapangyarihan sa sampung lungsod.'
18 Ang pangalawa dumating, sinasabi, 'Ang iyong mina, panginoon, ay nadagdagan pa ng limang mina.'
19 Sinabi sa kaniya ng maharlika, 'Mamamahala ka sa limang lungsod.'
20 At dumating ang isa pa, sinasabi, 'Panginoon, narito ang iyong mina, na maingat kong itinago sa isang tela,
21 sapagkat natatakot ako sa iyo, dahil ikaw ay mabagsik na tao. Kinukuha mo ang hindi mo iniipon, at inaani ang hindi mo inihasik.'
22 Sinabi sa kaniya ng maharlika, 'Huhusgahan kita ayon sa iyong mga salita, ikaw na masamang lingkod. Alam mo na ako ay mabagsik na tao, kinukuha ang hindi ko inilagay, at inaani ang hindi ko inihasik.
23 Kung gayon bakit hindi mo inilagay ang aking pera sa bangko, upang sa pagbalik ko, makuha ko ito nang may kasamang tubo?'
24 Sinabi ng maharlika sa mga nakatayo doon, 'Kunin ninyo ang mina sa kaniya, at ibigay ninyo sa may sampung mina.'
25 Sinabi nila sa kaniya, 'Panginoon, mayroon siyang sampung mina.'
26 'Sinasabi ko sa inyo, na ang lahat ng mayroon ay mabibigyan pa ng mas marami, ngunit sa kaniya na wala, kahit ang mayroon siya ay kukunin sa kaniya.
27 Ngunit ang aking mga kaaway, ang mga may ayaw na maghari ako sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sila sa harapan ko.'”
Lucas 19 in Banal na Bibliya