7Ngunit sino sa inyo, na may lingkod na nag-aararo o nag-aalaga ng tupa, ang magsasabi sa kaniya kapag nakabalik na siya mula sa bukid, 'Pumarito ka kaagad at umupo upang kumain'?
8Hindi ba niya sasabihin sa kaniya, 'Maghanda ka ng kakainin ko, magbigkis ka at pagsilbihan mo ako hanggang sa matapos akong kumain at uminom. At pagkatapos, kumain ka at uminom'?
9Hindi siya nagpapasalamat sa lingkod dahil ginawa niya ang mga bagay na iniutos, nagpapasalamat ba siya?
10Ganoon din kayo, kapag nagawa ninyo ang lahat ng bagay na iniutos sa inyo, dapat ninyong sabihin, 'Hindi kami karapat-dapat na mga lingkod. Ginawa lang namin ang dapat naming gawin.”'
11Nangyari na habang sila ay nasa daan patungong Jerusalem, siya ay naglalakbay sa lupaing pagitan ng Samaria at Galilea.
12At sa kaniyang pagpasok sa isang nayon, doon ay sinalubong siya ng sampung lalaking ketongin. Tumayo sila nang malayo sa kaniya
13at nilakasan nila ang kanilang tinig, sinasabi, “Jesus, Amo, maawa ka sa amin.”
14Nang makita niya sila, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo at ipakita ninyo ang inyong mga sarili sa mga pari.” At nangyari nga na habang sila ay papunta, sila ay nalinisan.
15Nang makita ng isa sa kanila na gumaling siya, bumalik siya nang may malakas na tinig na niluluwalhati ang Diyos.
16Yumuko siya sa paanan ni Jesus, nagpapasalamat sa kaniya. Isa siyang Samaritano.
17Sumagot si Jesus, sinabi, “Hindi ba sampu ang nilinis?
18Nasaan ang siyam? Wala bang ibang bumalik upang luwalhatiin ang Diyos, maliban sa dayuhang ito?”
19Sinabi niya sa kaniya, “Tumayo ka, at humayo. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
20Nang naitanong sa kaniya ng mga Pariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos, sinagot sila ni Jesus at sinabi, “Ang kaharian ng Diyos ay hindi isang bagay na mapagmamasdan. Ni hindi nila sasabihin,
21'Tumingin kayo rito!' o, 'Tumingin kayo roon!' dahil ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.”
22Sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Darating ang mga araw na nanaisin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita.
23Sasabihin nila sa inyo, 'Tingnan ninyo, naroon!' o, 'Tingnan ninyo, narito!' Ngunit huwag kayong pumunta, ni sumunod sa kanila,
24sapagkat gaya ng paglitaw ng kidlat kapag ito ay kumislap buhat sa isang panig ng kalangitan tungo sa ibang panig ng kalangitan, gayon din naman ang Anak ng Tao sa kaniyang araw.
25Ngunit kailangan muna niyang magdusa ng labis at itakwil ng salinlahing ito.
26Katulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayon din ang mangyayari sa mga araw ng Anak ng Tao.
27Nagsisikain sila, nagsisiinom, nagsisipag-asawa at ibinibigay sila upang mag-asawa, hanggang sa araw na pumasok sa arko si Noe—at dumating ang baha at pinatay silang lahat.
28Gayon din naman, katulad ng nangyari sa panahon ni Lot, sila ay nagsisikain, nagsisiinom, nagsisibili, nagsisitinda, nagsisipagtanim at sila ay nagsisipatayo ng gusali.
29Ngunit nang araw na lumabas mula sa Sodoma si Lot, umulan ng apoy at asupre mula sa langit, at pinuksa silang lahat.
30Ganoon din naman ang mangyayari sa araw na maihayag ang Anak ng Tao.
31Sa araw na iyon, ang nasa taas ng bahay ay huwag nang bumaba upang ilabas ang kaniyang mga kagamitan sa bahay. At ang nasa bukid ay huwag nang bumalik.
32Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot.
33Sinumang naghahangad na iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kaniyang buhay ay makapagliligtas nito.
34Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon ay mayroong dalawang tao sa isang higaan. Ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan.
35Mayroong dalawang babae ang magkasamang gigiling. Ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan.”
36(Mayroong dalawang tao sa bukid, ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan.)
37Tinanong nila sa kaniya, “Saan, Panginoon?” At sinabi niya sa kanila, “Kung saan naroon ang bangkay, doon din nagtitipon ang mga buwitre.”