13 Sumagot si Jesus, “Ang bawat iinom ng kaunting tubig na ito ay muling mauuhaw,
14 ngunit ang sinumang uminom ng kaunting tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi kailan man muling mauuhaw. Sa halip, ang tubig na ibibigay ko sa kaniya ay magiging bukal ng tubig na magdudulot sa kaniya ng buhay na walang hanggan.”
15 Ang sabi ng babae sa kaniya, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito para hindi na ako mauuhaw at hindi na pumunta dito para umigib ng tubig.”
16 Ang sabi ni Jesus sa kaniya, “Umuwi ka, tawagin mo ang iyong asawa, at bumalik ka dito.”
17 Sumagot ang babae, sinasabi sa kanya, “Wala akong asawa.” Sumagot si Jesus, “Mabuti ang pagkasabi mo, 'wala akong asawa,'
18 dahil nagkaroon ka na ng limang asawa at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Sa gayon mabuti ang pagkasabi mo.”
19 Ang sabi ng babae sa kaniya, “Ginoo, nakikita kong ikaw ay isang propeta.
20 Dito sa bundok na ito sumamba ang aming mga ninuno, ngunit iyong sinasabi na itong Jerusalem ay ang lugar kung saan ang mga tao ay dapat sumamba.”
21 Sumagot si Jesus sa kaniya, “Babae, maniwala ka sa akin, darating ang oras na sasambahin ninyo ang Ama ni sa bundok na ito o sa Jerusalem.
22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nalalaman. Alam namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay nagmula sa mga Judio.
23 Subalit darating ang oras, at narito na nga, na ang mga tunay na sumasamba ay sasambahin ang Ama sa espiritu at katotohanan, dahil ang Ama ay naghahanap ng mga ganoong tao na sasamba sa kaniya.
24 Ang Diyos ay isang Espiritu, at ang mga taong sasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.”
25 At sinabi ng babae sa kaniya, “Alam ko na ang Mesias ay darating (ang tinatawag na Cristo). Kapag dumating siya, ihahayag niya ang lahat ng bagay sa amin.”
26 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ako, na nagsasalita sa iyo, ay siya nga.”
27 At sa sandaling iyon bumalik ang kaniyang mga alagad. Ngayon sila ay nagtataka bakit siya nakikipag-usap sa isang babae. Ngunit walang isa man ang nagsabi, “Ano ang iyong gusto?” o “Bakit ka nakikipag-usap sa kanya?”