Text copied!
Bibles in Tagalog

Job 1:1-8 in Tagalog

Help us?

Job 1:1-8 in Ang Dating Biblia (1905)

1 May isang lalake sa lupain ng Uz, na ang pangalan ay Job; at ang lalaking yaon ay sakdal at matuwid, at natatakot sa Dios, at humihiwalay sa kasamaan.
2 At may ipinanganak sa kaniya na pitong anak na lalake at tatlong anak na babae.
3 Ang kaniyang pag-aari naman ay pitong libong tupa, at tatlong libong kamelyo, at limang daang magkatuwang na baka, at limang daang asnong babae, at isang totoong malaking sangbahayan; na anopa't ang lalaking ito ay siyang pinaka dakila sa lahat na mga anak ng silanganan.
4 At ang kaniyang mga anak ay nagsiyaon at nagsipagdaos ng kapistahan sa bahay ng bawa't isa sa kanikaniyang kaarawan; at sila'y nangagsugo, at ipinatawag ang kanilang tatlong kapatid na babae upang magsikain at magsiinom na kasalo nila.
5 At nangyari, nang makaraan ang mga kaarawan ng kanilang pagpipista, na si Job ay nagsugo, at pinapagbanal sila, at bumangong maaga sa kinaumagahan, at naghandog ng mga handog na susunugin ayon sa bilang nilang lahat: sapagka't sinabi ni Job, Marahil ang aking mga anak ay nangagkasala, at itinakuwil ang Dios sa kanilang mga puso. Ganito ang ginawa ni Job na palagi.
6 Isang araw nga nang ang mga anak ng Dios ay magsiparoon na magsiharap sa Panginoon, na si Satanas ay naparoon din naman na kasama nila.
7 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Saan ka nanggaling? Nang magkagayo'y sumagot si Satanas sa Panginoon, at nagsabi, Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.
8 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Iyo bang pinansin ang aking lingkod na si Job? sapagka't walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Dios at humihiwalay sa kasamaan.
Job 1 in Ang Dating Biblia (1905)

Job 1:1-8 in Banal na Bibliya

1 May isang lalaki sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job; walang maipipintas kay Job at siya ay matuwid, may takot siya sa Diyos at tumatalikod sa anumang kasamaan.
2 Binigyan siya ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae.
3 May pag-aari siyang pitong libong mga tupa, tatlong libong kamelyo, limang daang pares ng mga baka, at limang daang mga asno at napakaraming mga lingkod. Ang lalaking ito ang pinaka-dakila sa lahat ng tao sa Silangan.
4 Sa bawat araw na may kani-kaniyang pagdiriwang ang mga anak na lalaki, ipinapatawag nila ang kanilang tatlong kapatid na babae para kumain at uminom kasama nila.
5 Pagkatapos ng mga araw ng pista, sila ay ipinapatawag at muli silang itatalaga ni Job sa Diyos. Babangon siya nang maagang-maaga at mag-aalay ng sinunog na handog para sa bawat kaniyang mga anak, dahil iniisip niya na, “Marahil nagkasala ang aking mga anak at isinumpa ang Diyos sa kanilang mga puso.” Ito ay laging ginagawa ni Job.
6 At dumating naman ang isang araw para humarap ang mga anak ng Diyos kay Yahweh, at si Satanas ay dumalo kasama nila.
7 Ang tanong ni Yahweh kay Satanas, “Saan ka naman nanggaling?” Sumagot si Satanas kay Yahweh, “Galing ako sa isang paglalakad-lakad sa mundo, nagpabalik-balik ako rito.”
8 Nagtanong muli si Yahweh, “Ano naman ang masasabi mo sa lingkod kong si Job? Dahil wala siyang katulad sa mundong ito, walang maipipintas at tapat na tao, may takot sa Diyos at tumatalikod sa lahat ng kasamaan.”
Job 1 in Banal na Bibliya