4 Si Abel naman ay nagdala ng ilan sa panganay ng kanyang kawan at ilan sa taba. Tinanggap ni Yahweh si Abel at ang kanyang handog,
5 pero hindi niya tinanggap si Cain at ang kanyang handog. Kaya lubhang nagalit si Cain, at sumimangot siya.
6 Sinabi ni Yahweh kay Cain, “Bakit ka nagagalit at bakit ka sumisimangot?
7 Kung gagawin mo ang tama, hindi ka ba tatanggapin? Pero kung hindi mo ginagawa ang tama, ang kasalanan ay nag-aabang sa pinto at ninanais na mamahala sa iyo, subalit dapat mo itong pamunuan.”
8 Kinausap ni Cain si Abel na kanyang kapatid. At nangyari na habang sila ay nasa bukid, tumindig si Cain laban sa kanyang kapatid na si Abel at pinatay niya ito.
9 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Cain, “Nasaan ang iyong kapatid na si Abel?” Sinabi niya, “Hindi ko alam. Tagapangalaga ba ako ng aking kapatid?”
10 Sinabi ni Yahweh, “Ano ang ginawa mo? Tumatawag sa akin ang dugo ng iyong kapatid mula sa lupa.
11 Ngayon isinumpa ka mula sa lupa, na nagbukas ng bunganga nito upang tanggapin ang dugo ng iyong kapatid mula sa iyong kamay.
12 Kapag ikaw ay magbubungkal ng lupa, mula ngayon hindi na nito isusuko sa iyo ang kanyang lakas. Magiging palaboy at pagala-gala ka sa mundo.”
13 Sinabi ni Cain kay Yahweh, “Ang parusa ko ay higit kaysa sa aking makakaya.
14 Sa katunayan, itinaboy mo ako sa araw na ito mula sa lupang ito, at ako ay itatago mula sa iyong mukha. Magiging palaboy ako at pagala-gala sa mundo, at kung sinuman ang makasusumpong sa akin ay papatayin ako.”
15 Sinabi ni Yahweh sa kanya, “Kung sinuman ang papatay kay Cain, makapitong beses siyang gagantihan.” Kaya nilagyan ni Yahweh ng palatandaan si Cain upang sinumang makasumpong sa kanya, hindi siya lulusubin ng taong iyon.
16 Kaya umalis si Cain mula sa presensya ni Yahweh at nanirahan sa lupain ng Nod, sa silangan ng Eden.