Text copied!
Bibles in Tagalog

Ang Mangangaral 2:19-26 in Tagalog

Help us?

Ang Mangangaral 2:19-26 in Ang Dating Biblia (1905)

19 At sinong nakakaalam kung siya'y magiging isang pantas o isang mangmang? gayon ma'y magpupuno siya sa lahat ng aking gawa, na aking ginawa, at sa aking pinagpakitaan ng karunungan sa ilalim ng araw. Ito man ay walang kabuluhan.
20 Kaya't ako'y bumalik upang aking alisan ng pagasa ang aking puso tungkol sa lahat na gawa na aking ginawa sa ilalim ng araw.
21 Sapagka't may tao, na ang gawa ay sa pamamagitan ng karunungan, at ng kaalaman, at ng kabihasnan; gayon ma'y sa tao na hindi gumawa niyaon ay iiwan niya na pinakabahagi niyaon. Ito man ay walang kabuluhan at malaking kasamaan.
22 Sapagka't ano ang tinatamo ng tao sa lahat niyang gawa, at sa nais ng kaniyang puso na kaniyang iginawa sa ilalim ng araw?
23 Sapagka't lahat niyang kaarawan ay mga kapanglawan lamang, at ang kaniyang pagdaramdam ay hapis; oo, pati sa gabi ay hindi nagpapahinga ang kaniyang puso. Ito man ay walang kabuluhan.
24 Walang maigi sa tao kundi ang kumain at uminom, at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang gawa. Ito man ay aking nakita na mula sa kamay ng Dios.
25 Sapagka't sinong makakakain, o sinong makapagtataglay ng kagalakang higit kay sa akin?
26 Sapagka't ang tao na kinaluluguran niya, binibigyan ng Dios ng karunungan, at kaalaman, at kagalakan: nguni't ang makasalanan ay binibigyan niya ng damdam, na magpisan at magbunton, upang maibigay sa kaniya na kinaluluguran ng Dios. Ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.
Ang Mangangaral 2 in Ang Dating Biblia (1905)

Ang Mangangaral 2:19-26 in Banal na Bibliya

19 At sino ang nakakaalam kung siya ay magiging matalinong tao o isang mangmang? Gayunman siya ay magiging panginoon sa lahat ng bagay sa ilalim ng araw kung saan naitayo ang aking gawa at naitatag ang aking karunungan. Ito rin ay usok.
20 Dahil doon nag-umpisang malungkot ang aking puso sa lahat ng paghihirap na aking ginawa sa ilalim ng araw.
21 Sapagkat maaaring may isang taong gumagawa nang may karunungan, may kaalaman, at kahusayan, ngunit iiwan niya ang lahat na mayroon siya sa isang taong walang nagawa sa anuman dito. Ito rin ay usok at isang malaking kapahamakan.
22 Para sa anong pakinabang ang makukuha ng tao na nagsisikap magtrabaho at sa kaniyang puso ay pinipilit tapusin ang kaniyang mga gawain sa ilalim ng araw?
23 Bawat araw, ang kaniyang trabaho ay masakit at mahirap, kaya sa gabi ang kaniyang kaluluwa ay hindi makahanap nang kapahingahan. Ito rin ay usok.
24 Walang mabuti sa isang tao maliban lamang sa kumain at uminom at masiyahan sa kung ano ang mabuti sa kaniyang ginagawa. Nakita ko na ang katotohanang ito ay nagmumula sa kamay ng Diyos.
25 Kaya sino ang makakakain o sino ang magkakamit ng kahit anong uri nang kasiyahan na hiwalay sa Diyos?
26 Kaya sa isang taong nagbibigay lugod sa kaniya, ibinibigay ng Diyos ang karunungan, kaalaman at kagalakan. Gayun man, sa makasalanan ibinibigay niya ang gawain ng pag-iipon at pagtatabi para maaari niyang ibigay ito sa isang taong nagbibigay kaluguran sa Diyos. Ito rin ay katumbas ng singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin.
Ang Mangangaral 2 in Banal na Bibliya