Text copied!
Bibles in Tagalog

1 Mga Hari 7:35-51 in Tagalog

Help us?

1 Mga Hari 7:35-51 in Ang Dating Biblia (1905)

35 At sa ibabaw ng patungan ay may isang nakababakod na mabilog na may kalahating siko ang taas: at sa ibabaw ng patunga'y nandoon ang mga panghawak, at ang mga gilid ay kaputol niyaon.
36 At sa mga lamina ng mga panghawak niyaon at sa mga gilid niyaon, ay kaniyang inukitan ng mga querubin, mga leon, at mga puno ng palma ayon sa pagitan ng bawa't isa, na may mga tirintas sa palibot.
37 Ayon sa paraang ito ay kaniyang ginawa ang sangpung patungan: lahat ng yaon ay iisa ang pagkabubo, iisa ang sukat, at iisa ang anyo.
38 At siya'y gumawa ng sangpung hugasang tanso: isang hugasan ay naglalaman ng apat na pung bath: at bawa't hugasan ay may apat na siko: at sa bawa't isa sa sangpung patungan ay isang hugasan.
39 At kaniyang inilagay ang mga patungan, lima sa kanang tagiliran ng bahay, at lima sa kaliwang tagiliran ng bahay: at kaniyang inilagay ang dagatdagatan sa tagilirang kanan ng bahay sa dakong silanganan, na dakong timugan.
40 At ginawa ni Hiram ang mga hugasan, at ang mga pala, at ang mga mangkok. Gayon tinapos gawin ni Hiram ang lahat na gawa na kaniyang ginawa sa haring Salomon, sa bahay ng Panginoon:
41 Ang dalawang haligi, at ang dalawang kabilugan sa paligid ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at ang dalawang yaring lambat na nakaligid sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;
42 At ang apat na raang granada sa dalawang yaring lambat; ang dalawang hanay na granada sa bawa't yaring lambat, upang makaligid sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;
43 At ang sangpung patungan, at ang sangpung hugasan sa ibabaw ng mga patungan;
44 At ang isang dagatdagatan, at ang labing dalawang baka sa ilalim ng dagatdagatan;
45 At ang mga palyok, at ang mga pala, at ang mga mangkok: sa makatuwid baga'y lahat ng kasangkapang ito na ginawa ni Hiram sa haring Salomon, sa bahay ng Panginoon, ay pawang tansong binuli.
46 Sa kapatagan ng Jordan binubo ng hari, sa malagkit na lupa na nasa pagitan ng Succoth at ng Sarthan.
47 At lahat na kasangkapan ay hindi tinimbang ni Salomon, sapagka't totoong napakarami: ang timbang ng tanso ay hindi makukuro.
48 At ginawa ni Salomon ang lahat na kasangkapan na nasa bahay ng Panginoon: ang ginintong dambana, at ang dulang na gininto na kinaroroonan ng tinapay na handog;
49 At ang mga kandelero na taganas na ginto na lima sa dakong kanan, at lima sa kaliwa sa harap ng sanggunian; at ang mga bulaklak, at ang mga ilawan, at mga pangipit na ginto;
50 At ang mga saro, at ang mga panggupit ng micha, at ang mga mangkok, at ang mga panandok, at ang mga suuban, na taganas na ginto; at ang mga pihitang ginto maging ang sa mga pinto ng bahay sa loob, na kabanalbanalang dako, at ang sa mga pinto ng bahay, sa makatuwid baga'y ng templo.
51 Ganito nayari ang buong gawa ng haring Salomon na ginawa sa bahay ng Panginoon. At ipinasok ni Salomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kaniyang ama, ang pilak at ang ginto, at ang mga kasangkapan, at ipinasok sa mga silid ng kayamanan ng bahay ng Panginoon.
1 Mga Hari 7 in Ang Dating Biblia (1905)

1 Mga Hari 7:35-51 in Banal na Bibliya

35 Sa itaas ng mga tuntungan ay may isang nakapalibot na tali na kalahating kubit ang lalim, at sa itaas ng tuntungan ang mga suporta nito at ang mga mahabang tabla nito ay nakakabit.
36 Sa ibabaw ng mga suporta at sa mga tabla si Hiram ay umukit ng mga kerubin, mga leon, at mga puno ng palma na nagtakip ng puwang, at sila ay napapalibutan ng mga korona.
37 Ginawa niya ang sampung patungan sa ganitong paraan. Ang lahat ng iyon ay hinulma sa iisang hulmahan, at mayroon silang isang sukat, at kaparehang hugis.
38 Si Hiram ay gumawa ng sampung hugasang tanso. Ang isang hugasan ay kayang humawak ng apatnapung bat na tubig. Bawat hugasan ay apat na mga kubit ang lapad, at mayroong isang hugasan sa bawat sampung mga patungan.
39 Gumawa siya ng limang mga patungan na nakaharap sa bahaging timog ng templo at lima sa hilagang bahagi ng templo. Nilagay niya ang dagat sa silangang sulok, nakaharap sa bahaging timog ng templo.
40 Ginawa ni Hiram ang mga hugasan at ang mga pala at patubigang mangkok. Pagkatapos kaniyang natapos ang lahat ng kaniyang ginawa para kay Haring Solomon sa templo ni Yahweh:
41 ang dalawang poste, at ang tulad-mangkok na mga kapitel na nasa itaas ng dalawang poste, at ang dalawang pangkat ng palamuting lambat para takpan ang dalawang tulad mangkok na mga kapitel na nasa itaas ng mga poste.
42 Ginawa niya ang apat na daang granada para sa dalawang pangkat ng palamuting nilambat: dalawang hanay ng granada para sa bawat pangkat ng palamuting nilambat para takpan ang dalawang tulad mangkok ng mga kapitel na nasa mga poste,
43 at ang sampung mga patungan, at ang sampung hugasan sa mga patungan.
44 Ginawa niya ang dagat at ang labing dalawang mga bakang nasa ilalim nito;
45 gayun din ang mga kaldero, mga pala, mga kawa, at lahat ng iba pang kasangkapan — ang mga ito ay ginawa ni Hiram mula sa makintab na tanso, para kay Haring Solomon, para sa templo ni Yahweh.
46 Pinahulma ito ng Hari sa kapatagan ng Jordan, sa isang maputik na lupain sa pagitan ng Succoth at Sarthan.
47 Hindi tinimbang ni Solomon ang lahat ng mga kasangkapan dahil masyadong marami para timbangin, kaya ang timbang ng tanso ay hindi malalaman.
48 Pinagawa ni Solomon ang lahat ng kasangkapan na nasa loob ng templo ni Yahweh mula sa ginto: ang gintong dambana at ang lamesa kung saan ilalagay ang tinapay na handog.
49 Ang patungan ng ilaw, lima sa kanan at lima sa kaliwa, sa harap ng panloob na silid ay gawa sa purong ginto, at ang mga bulaklak, ang mga ilawan, at ang mga pang-ipit ay ginto.
50 Ang mga saro, ang panggupit ng ilawan, mga mangkok, mga kutsara, at mga pansindi ng insenso ay nilikha mula sa purong ginto. Gayundin ang mga bisagra ng pinto ng panloob na silid, na siyang kabanal-banalang lugar, at ang mga pintuan ng pangunahing bulwagan ng templo ay gawa din sa ginto.
51 Sa ganitong paraan, ang lahat ng gawain ni Haring Solomon sa tahanan ni Yahweh ay tapos na. Kaya ipinasok ni Solomon ang mga bagay na inihandog ni David, na kaniyang ama, kay Yahweh, at ang pilak, ang ginto, at ang mga kasangkapan, at nilagay ito sa bodega sa tahanan ni Yahweh.
1 Mga Hari 7 in Banal na Bibliya