Text copied!
Bibles in Tagalog

1 Mga Hari 20:31-39 in Tagalog

Help us?

1 Mga Hari 20:31-39 in Ang Dating Biblia (1905)

31 At sinabi ng kaniyang mga lingkod sa kaniya, Narito, ngayon, aming narinig na ang mga hari sa sangbahayan ng Israel ay maawaing mga hari: isinasamo namin sa iyo na kami ay papagbigkisin ng magaspang na kayo sa aming mga balakang, at mga lubid sa aming mga leeg at labasin namin ang hari ng Israel: marahil, kaniyang ililigtas ang iyong buhay.
32 Sa gayo'y nagsipagbigkis sila ng magaspang na kayo sa kanilang mga balakang, at mga lubid sa kanilang mga leeg, at nagsiparoon sa hari ng Israel, at nagsipagsabi, Sinasabi ng iyong lingkod na si Ben-adad, Isinasamo ko sa iyo, na tulutan mong ako'y mabuhay. At sinabi niya, Siya ba'y buhay pa? siya'y aking kapatid.
33 Minatyagan ngang maingat ng mga lalake, at nagsipagmadaling hinuli kung sa ano nandoon ang kaniyang pagiisip: at kanilang sinabi, Ang iyong kapatid na si Ben-adad. Nang magkagayo'y sinabi niya, Kayo'y magsiyaon, dalhin ninyo siya sa akin. Nang magkagayo'y nilabas siya ni Ben-adad; at kaniyang pinasampa sa karo.
34 At sinabi ni Ben-adad sa kaniya, Ang mga bayan na sinakop ng aking ama sa iyong ama ay aking isasauli; at ikaw ay gagawa sa ganang iyo ng mga lansangan sa Damasco, gaya ng ginawa ng aking ama sa Samaria. At ako, sabi ni Achab, payayaunin kita sa tipang ito. Sa gayo'y nakipagtipan siya sa kaniya, at pinayaon niya siya.
35 At isang lalake sa mga anak ng mga propeta ay nagsabi sa kaniyang kasama sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, Isinasamo ko sa iyo na saktan mo ako. At tumanggi ang lalake na saktan niya.
36 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniya, Sapagka't hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, narito, pagkahiwalay mo sa akin, ay papatayin ka ng isang leon. At pagkahiwalay niya sa kaniya, ay nasumpungan siya ng isang leon, at pinatay siya.
37 Nang magkagayo'y nakasumpong siya ng isang lalake, at nagsabi, Isinasamo ko sa iyo na saktan mo ako. At sinaktan siya ng lalake, na sinaktan at sinugatan siya.
38 Sa gayo'y umalis ang propeta at hinintay ang hari sa daan, at nagpakunwari na may isang piring sa kaniyang mga mata.
39 At pagdadaan ng hari ay kaniyang sinigawan ang hari: at kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod ay lumabas sa gitna ng pagbabaka; at, narito, isang lalake ay lumihis, at nagdala ng isang lalake sa akin, at nagsabi, Ingatan mo ang lalaking ito: kung sa anomang paraan ay makatanan siya, ang iyo ngang buhay ang mapapalit sa kaniyang buhay, o magbabayad ka kaya ng isang talentong pilak.
1 Mga Hari 20 in Ang Dating Biblia (1905)

1 Mga Hari 20:31-39 in Banal na Bibliya

31 Sinabi ng mga lingkod kay Ben Hadad, “Tingnan mo ngayon, narinig namin na ang mga hari ng sambahayan ng Israel ay maawaing mga hari. Pakiusap hayaan ninyo kaming maglagay ng sako sa aming mga baywang at lubid sa aming mga ulo at pumunta sa hari ng Israel. Marahil maari ka pa niyang buhayin.
32 Kaya naglagay sila ng sako sa kanilang baywang at lubid sa kanilang mga ulo at pagkatapos pumunta sila sa hari ng Israel at sinabi, “Sinabi ng iyong lingkod na si Ben Hadad, 'Pakiusap hayaan mo akong mabuhay.”' Sinabi ni Ahab, “Siya ba ay buhay pa? Siya ay aking kapatid.”
33 Ngayon ang mga lalaki ay nakikinig sa anumang palatandaan mula kay Ahab, kaya sila ay mabilis na sumagot sa kaniya, “Oo, ang iyong kapatid na si Ben Hadad ay buhay pa.” Pagkatapos sinabi ni Ahab, “Umalis ka at dalhin siya.” Pagkatapos si Ben Hadad pumunta sa kaniya, at pinasakay siya ni Ahab sa kaniyang karwahe.
34 Sinabi ni Ben Hadad kay Ahab, “Aking ibabalik sa iyo ang lungsod na kinuha ng aking ama mula sa iyong ama, at ikaw ay maaring gagawa para sa iyong sarili ng mga pamilihan sa Damasco, gaya ng ginagawa ng aking ama sa Samaria.” Sumagot si Ahab, “Hahayan kitang lumaya dahil sa kasunduang ito.” Kaya gumawa ng kasunduan si Ahab sa kaniya at hinayaan siyang umalis.
35 May isang lalaki, isa sa mga anak ng propeta, sinabi sa kaniyang kapwa propeta sa pamamagitan ng salita ni Yahweh, “Pakiusap saktan mo ako.” Pero ang lalaki ay tumangging saktan siya.
36 Pagkatapos sinabi ng propeta sa kaniyang kapwa propeta, “Dahil hindi mo sinunod ang tinig ni Yahweh, sa sandaling iwanan mo ako, isang leon ang papatay sa iyo.” At sandaling iniwan siya ng lalaking iyon, isang leon ang nakatagpo sa kaniya at pinatay siya.
37 Pagkatapos nakatagpo ang propeta ng isa pang lalaki at sinabi, “Pakiusap saktan mo ako.” Kaya sinaktan siya ng lalaki at sinugatan siya.
38 Pagkatapos ang propeta ay umalis at hinintay ang hari sa daan; siya ay nagpanggap na may isang benda sa kaniyang mga mata.
39 At nang dumaan ang hari, sinigawan ng propeta ang hari at sinabi, “Ang iyong lingkod ay nagmula sa kainitan ng labanan, at isang sundalo ang huminto at nagdala ng isang kalaban sa akin at sinabi, 'Bantayan mo ang taong ito. Kung sa anumang paraan ay makatakas siya, sa gayon ang iyong buhay ay magiging kapalit ng kaniyang buhay, kung hindi magbabayad ka ng isang talentong pilak.'
1 Mga Hari 20 in Banal na Bibliya