1Sinumang ihinihiwalay ang kaniyang sarili ay naghahangad ng sariling kagustuhan at siya ay nakikipagtalo sa lahat ng kaisipang may katuturan.
2Hindi nakasusumpong ng kasiyahan sa pag-unawa ang isang hangal maliban sa paghahayag ng laman ng kaniyang puso.
3Sa pagdating ng masama, kasama niya ay paghamak, kahihiyan at kasiraan.
4Ang mga salitang mula sa bibig ng tao ay malalim na katubigan, ang bukal na pinagdadaluyan ng karunungan.
5Hindi mabuti na pumanig sa masama o ang ipagkait ang katarungan sa mga matuwid.
6Ang labi ng mangmang ay nagdadala ng alitan at ang kaniyang bibig ay nag-aanyaya ng kaguluhan.
7Ang bibig ng mangmang ay ang kaniyang pagkasira, at ang kaniyang sarili ay nalilinlang ng kaniyang mga labi.
8Ang mga salitang tsismis ay tulad ng masarap na pagkain, bumababa ito sa kaloob-looban ng katawan.
9Sinumang tamad sa gawain ay kapatid sa taong mapanira.
10Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tore; ang matuwid na tumatakbo patungo rito ay ligtas.
11Ang kayamanan ng mayaman ay ang kaniyang tanggulang-lungsod, at sa kaniyang imahinasyon ito ay tulad ng isang mataas na pader.
12Bago ang kaniyang pagbagsak, ang puso ng tao ay mapagmataas, pero ang kababaang-loob ay nauuna bago ang karangalan.