26Biglang may malakas na lindol, kaya't ang mga pundasyon ng bilangguan ay nayanig; at agad nagbukas ang lahat ng mga pintuan, at nakalas ang kadena ng bawat isa.
27Nagising ang bantay sa kaniyang pagkakatulog at nakitang bukas ang mga pintuan ng bilangguan; hinugot niya ang kaniyang espada at magpapakamatay na sana, dahil inakala niyang nakatakas ang mga bilanggo.
28Ngunit sumigaw si Pablo ng may malakas na boses na nagsasabing, “Huwag mong saktan ang iyong sarili, narito kaming lahat.”
29Humingi ng ilaw ang bantay ng bilangguan at nagmamadaling pumasok na nanginginig sa takot at nagpatirapa kina Pablo at Silas,
30at inilabas sila at nagsabing, “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?”
31Sinabi nila sa kaniya, “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus at ikaw ay maliligtas, ikaw at ang buo mong sambahayan.”