Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Levitico - Levitico 25

Levitico 25:6-25

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
6Anuman ang tumubo sa hindi sinakang lupa sa panahon ng taon ng Araw ng Pamamahinga ay magiging pagkain para sa inyo. Kayo, ang inyong mga lalaki at babaeng lingkod, ang inyong mga upahang lingkod at ang mga dayuhang naninirahan kasama ninyo ay maaaring magtipon ng pagkain.
7At ang inyong mga alagang hayop at saka mga mababangis na hayop ay maaaring kainin anuman ang tumubo sa lupa.
8Dapat kayong bumilang ng pitong taon ng mga Araw ng Pamamahinga, iyon ay, pitong ulit na pitong taon, upang magkaroon ng pitong mga Araw ng Pamamahingang taon, na binubuo ng apatnapu't siyam na taon.
9Pagkatapos dapat kayong umihip ng maingay na trumpeta sa lahat ng dako sa ikasampung araw ng ikapitong buwan. Sa Araw ng Pagbabayad ng Kasalanan dapat kayong umihip ng isang trumpeta sa kabuuan ng lahat ng inyong lupain.
10Dapat ninyong italaga ang ikalimampung taon kay Yahweh at magpahayag ng kalayaan sa buong lupain para sa lahat ng naninirahan dito. Magiging isang Paglaya ito para sa inyo, kung saan dapat ibalik ang mga ari-arian at mga alipin sa kanilang mga pamilya.
11Ang ikalimampung taon ay magiging isang Paglaya para sa inyo. Hindi kayo dapat magtanim o gumawa ng isinaayos na pag-aani. Kainin anuman ang tumutubong mag-isa, at tipunin ang mga ubas na tumutubo sa hindi pinutulang mga baging.
12Dahil isang Paglaya iyon, na magiging banal para sa inyo. Dapat ninyong kainin ang bungang tumutubong mag-isa mula sa kabukiran.
13Dapat ninyong ibalik ang bawat isa sa kanyang sariling ari-arian sa Taon ng Paglaya.
14Kung magbebenta kayo ng anumang lupa sa inyong kapit-bahay o bibili ng anumang lupa mula sa inyong kapit-bahay, hindi ninyo dapat dayain o gawan ng masama ang isa't isa.
15Kung bibili kayo ng lupa mula sa inyong kapit-bahay, isaalang-alang ang bilang ng mga taon at mga pananim na maaaring anihin hanggang sa susunod na Paglaya. Dapat din iyong isaalang-alang ng inyong kapit-bahay na nagbebenta ng lupa.
16Ang higit na malaking bilang ng taon hanggang sa susunod na Paglaya ay magdaragdag sa halaga ng lupa, at ang higit na maliit na bilang ng taon hanggang sa susunod na Paglaya ay magbabawas sa halaga, dahil ang bilang ng pag-aani na idudulot ng lupa para sa bagong may-ari ay may kaugnayan sa bilang ng mga taon bago ang susunod na Paglaya.
17Hindi ninyo dapat dayain o gawan ng masama ang isa't isa; sa halip, dapat ninyong parangalan ang inyong Diyos, sapagkat ako ay Yahweh, na inyong Diyos.
18Kaya nga dapat ninyong sundin ang aking mga kautusan, ingatan ang aking mga batas, at tuparin ang mga iyon. Sa gayon ligtas kayong mamumuhay sa lupain.
19Mamumunga ang lupain, at kakain kayo hanggang mabusog at ligtas na mamumuhay roon.
20Maaaring sabihin ninyo, “Anong kakainin namin sa panahon ng ikapitong taon? Masdan, hindi kami makakapagtanim o makakapagtipon ng bunga.”
21Iuutos kong dumating sa inyo ang aking pagpapala sa ikaanim na taon, at magbibigay ito ng aning sapat para sa tatlong taon.
22Magtatanim kayo sa ikawalong taon at patuloy na kakain mula sa bunga ng mga nakaraang taon at mga itinagong pagkain. Hanggang sa dumating ang ani ng ikasiyam na taon, makakakain kayo mula sa mga pagkaing itinago sa mga nakaraang taon.
23Hindi dapat ipagbili ang lupa sa bagong permanenteng may-ari, dahil sa akin ang lupa. Kayong lahat ay mga dayuhan at pansamantalang naninirahan sa aking lupain.
24Dapat ninyong sundin ang karapatan ng pagtubos para sa lahat ng lupang makamtan ninyo; dapat ninyong payagang muling bilhin ang lupa ng pamilya ng kung kanino ninyo ito binili.
25Kung naging mahirap ang kapwa ninyo Israelita at dahil doon ipinagbili ang ilan sa kanyang ari-arian, sa gayon maaaring bilhin muli ng pinakamalapit niyang kamag-anak ang ari-ariang ipinagbili niya sa inyo.

Read Levitico 25Levitico 25
Compare Levitico 25:6-25Levitico 25:6-25