Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Levitico - Levitico 22

Levitico 22:1-14

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
1Sinabi ni Yahweh kay Moises, sinasabi,
2“Sabihin kay Aaron at sa kaniyang mga anak na lalaki, pagsabihan silang lumayo mula sa mga bagay na banal ng mga tao ng Israel, na inihahandog nila sa akin. Hindi nila dapat lapastanganin ang aking banal na pangalan. Ako si Yahweh.
3Sabihin sa kanila, 'Sinuman sa inyong mga kaapu-apuhan sa buong angkan ng inyong mga tao na marumi kapag lumapit siya sa mga banal na bagay na inihandog ng mga tao ng Israel kay Yahweh, dapat ihiwalay ang taong iyon mula sa harap ko. Ako si Yahweh.
4Wala sa mga kaapu-apuhan ni Aaron na may nakakahawang sakit sa balat, o isang impeksiyong dumadaloy mula sa kaniyang katawan, ang maaaring kumain ng alinman sa mga alay na ginawa para kay Yahweh hanggang siya ay malinis. Sinuman ang hahawak sa anumang bagay na marumi sa pamamagitan ng paghawak sa patay, o sa pamamagitan ng paghawak sa isang lalaking may daloy ng semilya,
5o sinumang hahawak ng anumang hayop na gumagapang na nagpaparumi sa kaniya, o sinumang tao na nagpaparumi sa kanya, maging anumang uri ng karumihang ito—
6pagkatapos ang pari na hahawak sa anumang marumi ay magiging marumi hanggang gabi. Hindi siya dapat kumain ng anumang mga banal na bagay, maliban lang kung pinaliguan niya ang kanyang katawan sa tubig.
7Kapag lumubog na ang araw, magiging malinis siya. Maaari siyang kumain mula sa banal na mga bagay pagkatapos ng paglubog ng araw, dahil ang mga ito ay kaniyang pagkain.
8Hindi siya dapat kumain ng anumang bagay na natagpuang patay o pinatay ng mga mababangis na hayop, kung saan madudungisan niya ang kanyang sarili. Ako si Yahweh.
9Dapat sumunod ang mga pari sa mga tagubilin ko, o magkakasala sila at maaaring mamatay dahil sa paglapastangan sa akin. Ako si Yahweh, na siyang naghahandog sa kanila sa aking sarili.
10Walang sinumang hindi kapamilya ng pari, maging ang mga bisita ng isang pari o kaniyang mga inupahang tagapaglingkod ang maaaring kumain ng anumang bagay na banal.
11Ngunit kung bumili ang isang pari ng alipin sa kaniyang sariling pera, maaaring kumain ang aliping iyan mula sa mga bagay na inihiwalay para kay Yahweh. At ang mga miyembro sa pamilya ng pari at mga aliping ipinanganak sa kaniyang bahay, maaari din silang kumain kasama niya mula sa mga bagay na iyon.
12Kung ikinasal sa isang hindi pari ang anak na babae ng isang pari, hindi siya maaaring kumain ng anumang banal na ambag na mga handog.
13Ngunit kung isang balo ang anak na babae ng pari, o hiwalay, at kung wala siyang anak, at kung babalik siya upang manirahan sa bahay ng kanyang ama gaya noong kanyang kabataan, maaari siyang kumain mula sa pagkain ng kanyang ama. Ngunit walang sinumang hindi pamilya ng pari ang maaaring kumain mula sa pagkain ng pari.
14Kung kumain ang isang tao ng isang banal na pagkain na hindi ito nalalaman, dapat niyang bayaran ang pari para rito; dapat niyang dagdagan ng ikalimang bahagi ito at ibalik ito sa pari.

Read Levitico 22Levitico 22
Compare Levitico 22:1-14Levitico 22:1-14