Text copied!
CopyCompare
Banal na Bibliya - Joshua - Joshua 10

Joshua 10:1-24

Play LogoGoogle Play  APK Logo APK
Click on verse(s) to share them!
1Ngayon narinig ni Adoni-sedec, hari ng Jerusalem na nasakop ni Josue ang Ai at tuluyang winasak ito, gaya ng ginawa niya sa Jerico at sa hari nito. At narinig nila kung paano gumawa ng kapayaapan ang bayan ng Gabaon sa Israel at namumuhay na kasama nila.
2Ang bayan ng Jerusalem ay matindi ang takot dahil ang Gibeon ay isang napakalaking lungsod, gaya ng isa sa mga maharlikang mga lungsod. Ito ay mas malaki kaysa sa Ai, at ang lahat ng kalalakihan nito ay magigiting na mandirigma.
3Kaya si Adoni-sedec, hari ng Jerusalem, ay nagpadala ng isang mensahe kay Oham, hari ng Hebron, kay Piram, hari ng Jarmuth, kay Japhia, hari ng Lachish, at kay Debir, hari ng Eglon:
4Umakyat kayo sa akin at tulungan ako. Salakayin natin ang Gabaon dahil gumawa sila ng kapayapaan kay Josue at sa bayan ng Israel.”
5Ang limang hari ng Amoreo, ang hari ng Jerusalem, ang hari ng Hebron, ang Hari ng Jarmuth, ang hari ng Lachish, at hari ng Eglon ay umakyat, sila at lahat ng kanilang mga hukbo. Pinaghandaan nila ang kanilang kinalalagyan laban sa Gabaon, at sinalakay nila ito.
6Ang bayan ng Gabaon ay nagpadala ng isang mensahe kay Josue at sa mga hukbo sa Gilgal. Sinabi nila, “Magmadali kayo! Huwag ninyong alisin ang inyong mga kamay sa inyong mga alipin. Umakyat kayo rito ng mabilisan at iligtas kami. Tulungan ninyo kami, dahil ang lahat ng hari ng mga Amoreo na nakatira sa maburol na bansa ay nagtipon ng sama-sama para salakayin kami.”
7Umakyat si Josue mula sa Gilgal, siya at ang mga lalaking mandirigma, at lahat ng lumalaban na kalalakihan.
8Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Ibinigay ko sila sa inyong mga kamay. Wala isa sa kanila na makakapigil sa inyong pagsalakay.”
9Madaling nakarating si Josue sa kanila, naglakad ng buong magdamag mula sa Gilgal.
10At nilito ni Yahweh ang mga kaaway sa harap ng Israel— na kung saan napatay sila sa isang malawakang pagpatay sa Gabaon, at tinugis sila sa daan paakyat ng Beth Horon, at pinatay sila sa daan ng Azeka at Maceda.
11Habang tumatakbo sila mula sa Israel, pababa sa burol ng Beth Horon, hinulog ni Yahweh sa kanila ang mga malalaking bato mula sa langit hanggang sa Azeka, at namatay sila. Mas marami ang namatay dahil sa mga bato kaysa sa mga napatay sa pamamagitan ng mga espada sa mga kalalakihan ng Israel.
12Pagkatapos nakipag-usap si Josue kay Yahweh sa araw na iyon na binigyan ni Yahweh ng tagumpay ang kalalakihan ng Israel laban sa mga Amoreo. Ito ang sinabi ni Josue kay Yahweh sa harap ng Israel, “Araw, manatili sa Gabaon, at buwan, sa lambak ng Ajalon.”
13Ang araw ay nanatili pa rin, at ang buwan tumigil sa paggalaw hanggang ang bansa ay naghiganti sa kanilang mga kaaway. Hindi ba ito nakasulat sa Ang Aklat ni Jashar? Nanatili ang araw sa gitna ng langit; hindi ito bumaba sa isang buong araw.
14Wala pang nangyari sa anumang araw gaya ng pangyayaring ito dati o pagkatapos nito, nang sinunod ni Yahweh ang salita ng isang tao. Dahil si Yahweh ay nakikipagdigmaan sa kapakanan ng Israel.
15Si Josue at ang buong Israel na kasama niya ay bumalik sa kampo ng Gilgal.
16Ngayon nakatakas ang limang hari at nagtago sila sa loob ng kuweba sa Maceda.
17Sinabi ito kay Josue, “Natagpuan sila! —ang limang hari na nagtago sa loob ng kuweba sa Maceda!”
18Sinabi ni Josue, “Igulong ang malaking mga bato sa bukana ng kuweba at maglagay ng mga sundalo roon para bantayan sila.
19Huwag kayong manatili roon. Tugisin ang inyong mga kaaway at salakayin sila mula sa likuran. Huwag silang pahintulutang makapasok sa loob ng kanilang mga lungsod dahil si Yahweh ang inyong Diyos ibinigay na sila sa inyong mga kamay.”
20Si Josue at ang mga anak ni Israel ay tinapos ang pagpatau sa kanila sa isang napakatinding pagpatay, hanggang sila ay halos tuluyan ng mawasak; ilan lamang ang nakaligtas na tumakas sa mga pinatibay na mga lungsod.
21Pagkatapos bumalik ang buong hukbo ng mapayapa kay Josue sa mga kampo sa Maceda. At walang sinuman ang nangahas magsalita ng isang salita laban sa sinumang bayan ng Israel.
22Pagkatapos sinabi ni Josue, “Buksan ang bukana ng kuweba at mula sa kuweba dalhin sa akin ang limang haring ito.”
23Ginawa nila gaya ng sinabi niya. Dinala nila sa kaniya ang limang hari mula sa kuweba—ang hari ng Jerusalem, ang hari ng Hebron, ang hari ng Jarmuth, ang hari ng Lachish, at ang hari ng Eglon.
24At nang dinala nila ang mga hari kay Josue, ipinatawag niya ang bawat kalalakihan ng Israel, at sinabi niya sa mga pinuno ng mga sundalo na nakasama niya sa labanan, “Ilagay ninyo ang inyong mga paa sa kanilang mga leeg.” Kaya lumapit sila at inilagay ang kanilang mga paa sa kanilang mga leeg.

Read Joshua 10Joshua 10
Compare Joshua 10:1-24Joshua 10:1-24