1Alalahanin mo rin ang iyong Manlilikha sa araw ng iyong kabataan, bago dumating ang araw ng paghihirap, at bago dumating ang mga taon na sasabihin mong, “Hindi ako nasisiyahan sa kanila,”
2bago dumilim ang liwanag ng araw at buwan at mga bituin, at bumalik ang mga maiitim na ulap pagkatapos ng ulan.
3Iyon ang panahon na manginginig ang mga tagapagbantay ng palasyo, at yuyuko ang mga malalakas na tao, at ang mga babaeng nagdidikdik ay titigil dahil kaunti sila, at ang mga tumatanaw sa mga bintana ay hindi na makakakita nang malinaw.
4Iyon ang panahon na isasara ang mga pinto sa lansangan, at titigil ang tunog ng pagdidikdik, kapag nasisindak ang mga lalaki sa tinig ng ibon, at kapag lumilipas na ang mga kanta ng mga babae.
5Iyon ang panahon na matatakot ang mga lalaki sa mga matataas na lugar at sa mga kapahamakan sa lansangan, kapag sumagana ang puno ng pili, at kapag hinahatak ng mga tipaklong ang mga sarili nila, at kapag naglaho ang mga likas na pagnanasa. Pagkatapos, pupunta ang tao sa kaniyang walang hanggang tahanan at ang mga nagdadalamhati ay tutungo sa mga lansangan.
6Alalahanin mo ang iyong Manlilikha bago maputol ang pilak na tali, o madurog ang gintong mangkok, o mabasag sa batis ang lalagyan ng tubig, o masira ang gulong ng tubig sa balon,
7bago bumalik ang alabok sa lupa kung saan ito nanggaling, at bumalik sa Diyos ang espiritu na siyang nagbigay nito.
8“Usok,” ang sabi ng Mangangaral, “ang lahat ay naglalahong usok.”